LUNGSOD NG MEYCAUAYAN, Bulacan — Madadaanan na ang NLEX Connector Road na nagpahaba sa tollway system ng North Luzon Expressway o NLEX matapos pasinayaan ni Pangulong Ferdinand Romualdez Marcos Jr.
Ayon kay Department of Public Works and Highways o DPWH-Central Luzon Regional Director Roseller Tolentino na sumaksi sa pagpapasinaya, ito na ang pangatlong ruta ng mga kalakal mula sa mga lalawigan ng gitna at hilagang Luzon bukod sa Skyway Stage 3 at NLEX-C5 Linkage Road.
Magbibigay aniya ito ng 24 oras na access para sa mga trucks ng kargamento na dadalin sa Metro Manila at katimugang bahagi ng Luzon nang walang truck ban.
Pabibilisin din ng NLEX Connector ang biyahe ng mga turista na mula sa kamaynilaan patungo sa mga lalawigan ng gitna at hilagang Luzon.
Sa kasalukuyan, ayon kay Toll Regulatory Board o TRB Director Alvin Carullo, magagamit pa sa pagdaan sa NLEX Connector Road ang ibinayad na toll fee hanggang sa Bocaue Toll Plaza open system sa susunod na mga buwan.
Ito’y hangga’t nirerepaso pa ng TRB kung magkano ang karapat-dapat na magiging toll fees para sa bagong daan na ito.
Ipinaliwanag naman ni Luigi Bautista, pangulo ng NLEX Corporation, na ang proyektong ito ang nagpahaba pa sa ruta ng NLEX na umaabot na ngayon sa Espanya, Maynila.
Kaya’t ang dating biyahe mula sa Bocaue Toll Plaza na papasok sa lungsod na nasa mahigit isang oras ay magiging 15 minuto na lamang mula sa dating isang oras.
Bahagi ito ng walong kilometro na apat na linyang elevated expressway na bumabaybay sa ibabaw ng riles ng Philippine National Railways (PNR).
Ito ay mula sa bahagi ng NLEX-North Harbor Link sa C-3 Road sa Caloocan hanggang sa Sta. Mesa kung saan ikakabit ito sa istraktura ng Skyway Stage 3.
Nauna nang sinabi ni Department of Budget and Management o DBM Undersecretary Goddes Hope Libiran na ipinalabas na ng ahensiya ang P495 milyon para sa pagkukumpleto right-of-way o ROW ng natitirang segment ng NLEX Connector Road Project.
Itinayo ang proyektong NLEX Connector Road Project sa pamamagitan ng sistemang Built-Operate-Transfer o BOT na isang mekanismo ng Public-Private Partnership o PPP kung saan ang NLEX Corporation ang napiling konsesyonaryo ng proyekto sa loob ng 37 taon.
Sa sistemang ito, ipinagkakaloob ng pamahalaan ang konsesyonaryo sa isang kwalipikadong pribadong kompanya upang mamuhunan para sa pagtatayo at pangangasiwa ng isang partikular na imprastraktura. Pagkatapos ng napagkasunduan na panahon ng konsesyon, ibabalik na sa pamahalaan ang karapatan sa pangangasiwa ng itinayong imprastraktura.
Taong 2008 nang unang kinonsepto ang proyekto at pormal na pinasimulan noong 2019 na pinondohan ng konsesyonaryo sa halagang P23 bilyon.
Magsisilbing modelo ang NLEX Connector Road sa palalawakin at paiigtinging pagpapatupad ng mga karagdagang imprastraktura na gagawin sa ilalim ng Build-Better-More Infrastructure Program ni Pangulong Marcos Jr.
Tiniyak din ng pangulo na ipagpapatuloy at tatapusin ang mga nakalinya pang mga expressway projects na bahagi ng Luzon Spine Expressway Network. Ito ang magkakabit ng mga expressways na nasa hilaga, gitna, timog at timog-silangan ng Luzon. (UnliNews Online)
Source: PIA Bulacan