CALUMPIT, Bulacan — Dalawang menor de-edad na babae ang magkasunod na natagpuan na palutang-lutang at wala ng buhay sa Calumpit River nung Sabado ng hapon. (April 6).
Base sa naging ulat ng pulisya, dakong alas-3:20 ng hapon nitong Sabado,
unang natagpuan na nakalutang sa ilog na sakop ng Brgy. Iba O Este, Calumpit, Bulacan si Jashane De Jesus, 13-anyos, estudayante ng Northville-9 Phase II, Brgy. Iba O Este.
Ilang sigundo ang lumipas, sumunod na natagpuan ang bangkay ni Krisalyn Kasandra Alpes, 14-anyos, estudyante ng NorthVille-9 Phase II, Brgy. Iba O Este nito dakong alas-3:45 ng hapon sa gilid ng ilog sakop ng Brgy. Caniogan, Calumpit, Bulacan.
Sa inisyal na imbestigasyon, Abril 5, 2024, dakong alas-6:30 ng gabi nang huling makitang magkasama ang dalawang biktima at ang tiyuhin ni Jashane na si Bayani Ben Matias na naglalakad sa gilid ng kalsada ng Brgy. Palimbang, Calumpit, hindi kalayuan kung saan natagpuan ang bangkay ng dalawang biktima.
Pauwi na sana umano ang mga biktima nang mga oras na iyon subalit hindi na sila nakarating sa kanilang bahay.
Hanggang nitong Abril 6, 2024, isang tawag sa telepono mula sa isang concerned citizen ang nag-report sa Calumpit Police na may isang dalagitang nakitang nakalutang ang katawan sa nasabing ilog at wala nang buhay.
Wala naman umanong nakikitang foul play ang mga awtoridad sa nangyaring insidente sa dalawang biktima dahil sa intact naman umano ang mga damit at maging ang pang-ibabang kasuotan nang matagpuan nila ang bangkay ng dalawang babae.
Paniwala ng mga awtoridad na posibleng nagkayayaang maligo ang magkaibigan sa nasabing ilog bago umuwi sa kanilang bahay at doon nangyari ang hindi inaasahang trahedya. (UnliNews Online)