Saturday, December 14, 2024
Amana Water Park
HomeBulacan UnliNewsGov. Fernando, naghain ng apela sa desisyon ng SC

Gov. Fernando, naghain ng apela sa desisyon ng SC

Sa isyu ng natural wealth sa tubig ng Angat

LUNGSOD NG MALOLOS — Pinangunahan ni Gobernador Daniel Fernando kasama si Vice Gov. Alex Castro at mga opisyal ng lalawigan ng Bulacan sa paghahain ng motion for reconsideration nitong Huwebes (April 11) hinggil sa desisyon ng Korte Suprema sa buwis ng natural wealth sa tubig ng Angat.

Sa isang pulong pambalitaan na isinagawa matapos ang paghahain ng apela, sinabi ni Fernando na “Kami ay halos buong kababaang-loob at magalang na kumikilos para sa muling pagsasaalang-alang ng desisyon ng Kagalang-galang na Korte en banc na may petsang 03 Oktubre 2023 na nagpasya na ‘ang inilaan na tubig sa dam ay hindi dapat ituring na pambansang kayamanan, at samakatuwid, hindi napapailalim sa buwis ng pambansang kayamanan.’”

Ipinunto ng gobernador na ang hakbang ay tungkol sa mga karapatan ng mga Bulakeño na nauukol “to our equitable in the exploration, development and utilization of our natural resources” base sa Local Government Code of 1991 (Republic Act 7161).

Binanggit ni Fernando na ang tubig, batay sa 1987 Constitution ay isang likas na yaman sa ilalim ng Artikulo 12, Seksyon 2 na nagsasaad na “Lahat ng lupain ng pampublikong domain, tubig, mineral, karbon, petrolyo, at iba pang mineral na langis, lahat ng pwersa ng potensyal na enerhiya, pangisdaan, kagubatan o troso, wildlife, flora at fauna, at iba pang likas na yaman ay pag-aari ng Estado.”

Binanggit din niya ang Article 386 ng implementing rules and regulations ng Local Governments Code sa “share in the proceeds from the development and utilization of the natural wealth” na malinaw na nagsasaad na “LGUs shall have an equitable share in the proceeds derived from the paggamit at pagpapaunlad ng pambansang kayamanan sa loob ng kani-kanilang mga lugar, kabilang ang pagbabahagi nito sa mga naninirahan sa pamamagitan ng direktang mga benepisyo.”

Dagdag pa ng gobernador, mula sa mga bulubundukin ng Doña Remedios Trinidad hanggang sa Yungib ng kasarinlan ng San Miguel, Bulacan, patungo sa mga ilog na malayang dumadaloy sa bawat bayan ng lalawigan patungo sa Look ng Maynila — hindi maikakaila na ang Dakilang Lalawigan ng Bulacan ay nilipos ng biyaya ng Inang Kalikasan.

Ani pa nito, at bilang Punong Lalawigan at tagapangalaga ng kagalingan ng lahat, tungkulin kong tiyakin na ang mga mamamayan ng Bulacan ay makakabahagi sa kaloob na ito ng Dakilang Lumikha. Dalangin natin na marapatin nawa ng ating Kataas-taasang hukuman na muling suriin ang kasong ito in consideration of the points presented in our Motion for Reconsideration.

“Isang masusing pag-aaral at desisyon sa pagsasampa na ito ay kailangan din, alinsunod sa kagustuhang pangalagaan ang kapakanan ng mga Bulakenyo,” dagdag pa ng gobernador.

Matatandaan na matapos mistulang paglaruan at paasahin ang mga Bulakenyo sa maliit na bahagi ng kita ng Angat Dam, naglabas ng kapasyahan ang Kataas-taasang Hukuman (SC) na ang lalawigan ng Bulacan ay hindi na karapat-dapat sa anumang bahagi ng kita na nakuha mula sa paggamit ng Angat Dam.

Labin-limang hukom ng Korte Suprema ang bumoto pabor sa desisyon na hindi na matatawag na “natural resources” o ang ang tubig na nagmumula sa Angat Dam ay hindi na maituturing na likas na yaman.

Dahil hindi kumbinsido sa inilabas na desisyon ng Hukuman, hindi na nag-aksaya pa ng panahon si Gov. Fernando, agad niyang inatasan ang Bulacan Provincial Legal Officer Gerard Nelson Manalo na hilingin sa Korte na muling isaalang-alang ang desisyon nito.

Ang Angat Dam ay matatagpuan sa loob ng Angat Watershed Forest Reserve sa Barangay San Lorenzo, Norzagaray, Bulacan.

Nagbibigay ito ng maiinom na tubig sa Metro Manila at nagpapagana ng hydro-electric power plant.

Dahil ito ay binansagan bilang pambansang kayamanan, ang Bulacan ay nakakakuha ng malaking bahagi mula sa koleksyon ng buwis sa tubig sa dam.

Inilabas ng Supreme Court en banc ang desisyon nito noong Marso 22, 2024, ngunit noong Oktubre ng nakaraang taon nang naglabas ito ng utos na hindi na sasailalim sa national wealth tax ang tubig ng dam.

Binanggit din sa desisyon ng mataas na tribunal ang pagkakamali ng Court of Appeal sa pagpapatibay noong Mayo 30, 2008 sa desisyon ng Bulacan Regional Trial Court noong Hunyo 3, 2005 kung saan napatunayang mananagot ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na magbayad ng bahagi sa pamahalaang panlalawigan sa paggamit at pagpapaunlad ng tubig ng dam.

Inapela ng MWSS ang desisyon ng Court of Appeals sa Korte Suprema. Binaligtad ng mataas na tribunal at isinantabi ang desisyon noong 2008 na pabor sana sa pamahalaang panlalawigan.

“Sa sandaling ang tubig mula sa Angat River ay inilaan at i-impound sa Angat Dam, ito ay tumigil na maging bahagi ng likas na yaman,” sabi ng desisyon ng mataas na tribunal na isinulat ni Associate Justice Henri Jean Paul Inting.

Sinabi ng gobernador na bilyun-bilyong piso ang dapat ibalik sa pamahalaang panlalawigan para sa mga taga-Bulacan.

Nag-ugat ang kaso sa reklamong inihain ng pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng noo’y gobernador na si Josefina de la Cruz.

Sinabi ni De la Cruz na dapat bayaran ng MWSS ang lokal na pamahalaan ng bahagi dahil sa paggamit at pagpapaunlad ng pambansang yaman.

Ngunit sinabi ng MWSS na ang dam ay hindi sakop ng national treasure law na magbibigay karapatan sa isang lokal na pamahalaan tulad ng Bulacan sa bahagi ng kikitain mula sa paggamit at pagpapaunlad nito.

Nadismaya rin si Malolos City Mayor Christian Natividad sa naging desisyon ng Korte Suprema na sinabing malaki ang dehado sa lalawigan ng Bulacan.

“Ito ay masama. Saan kinukuha ang tubig? Ito ay sa sarili nating probinsya. Ito ay isa pang paraan ng pag-iwas sa pagbabayad at pagkolekta ng nararapat na buwis sa mga local government units o host localities,” ani Natividad. (UnliNews Online)

Manny D. Balbin
Manny D. Balbinhttp://unlinews.org
Emmanuel "Manny" Dineros Balbin, founder and editor-in-chief of UNLINEWS ONLINE and UNLINEWS Digital Newspaper, is a former seminarian of Oblates of Mary Immaculate (OMI) in Notre Dame University Seminary in Cotabato City. Graduated college with Philosophy and Political Science courses at the University of Santo Tomas, Legazpi City. A former Journal Group of Publication (People's Journal, People's Tonight, Taliba & Women's Journal) staffer for 17 years. Before, he simultaneously contributed news articles to 3 local newspapers in Bulacan (NewsCore, MetroNews & NewsWatcher). He is the founder and the former editor-in-chief of RONDA Balita, both in weekly newspaper and online news. A former Kabayan provincial reporter, 2010 Bulacan election correspondent by Rappler and presently, a stringer of Philippine News Agency (PNA) Bulacan.
RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

Most Popular

Recent Comments