BOCAUE, Bulacan — Bilang paghahanda sa panahon ng tag-ulan, isang public hearing ang inilatag sa pangunguna ni Vice Mayor Atty. Shwein Tugna hinggil sa panukala na naglalayon na ang lahat ng mga barangay ay bumilis ang paghupa ng baha tuwing kasagsagan ng ulan.
Sa ginanap na public hearing, inimbitahan ni Vice Mayor Tugna, bilang presiding officer ng Sangguniang Bayan ang mga kapitan at kawani ng mga barangay sa bayan ng Bocaue para alamin ang kani-kanilang mga hakbang laban sa baha.
Inalam din umano ng naturang komite at ng mga kasamahang konsehal kung ano ang mga priority areas na kailangang hukayin para bumilis ang hupa ng baha sa mga barangay pagdating ng panahon ng tag-ulan.
Nagpapasalamat si Vice Mayor Tugna sa pakikibahagi nina Kosehal Alvin Cotaco, Jerome Reyes, ABC President Kap. Robin Del Rosario, OIC MA Alex Yap, department heads Engr. Dinia Gomez – MENRO department, Engr. Rexie Cruz, Arch. Mike Castilo – Engineering department, at Rodan Galvez – MDRRMO department, sa ilalim ng pamamahala ni Mayor Jon Jon JJV Villanueva.
“Magkakakampi po tayo sa pagbibigay na dagdag ginhawa sa ating mga kababayan laban sa baha,” ani Vice Mayor Tugna. (UnliNews Online)