KAMAKAILAN ay napagawi kami sa munisipyo ng Doña Remedios Trinidad at bago kami nagtungo roon ay galing muna kami sa munisipyo ng Angat upang kapanayamin sana ang alkalde ng Angat na si Mayor Reynante “Jowar” Bautista, pero hindi niya kami hinarap at ang isang tauhan lang niya ang nagsabi sa amin na hindi makakaharap sa amin si Mayor Jowar dahil may kausap daw.
Eh, bakit naman kami maghihintay ng matagal gayong wala namang sinabi sa amin ang isang tauhan ni Mayor Jowar na hintayin na naming matapos ang pakikipag-usap ng alkalde sa kanyang bisita kaya nagpaalam na kami para pumunta naman sa Doña Remedios Trinidad, dahil magkanugnog lang ang Angat at DRT.
Pasado alas onse na ng umaga noon nang tawagan ng isa naming kasama si Mayor Ronaldo T. Flores, at sumagot naman agad sa tawag si Mayor Flores at sinabing pumunta na kami sa kanyang tanggapan hihintayin daw niya kami.
Mag-aalis dose na ng tanghali ng dumating kami ng munisipyo ng DRT. Sinalubong kami ng municipal administrator at sinabing may kausap pa si Mayor Flores, at binilinan umano ni Mayor si MA na pakainin muna kami ng lunch sa isang eatery sa tapat ng munisipyo.
Paksiw na bangus at pritong maya-maya ang aming inorder na ulam. Maraming Salamat kay MA sa mainit na pagtanggap niya sa amin. Pagkakain namin ay bumalik na kami sa office of the mayor.
Sinabihan kami ni MA na inaantay na kami ni Mayor Flores sa kanyang opisina. Bago magkumustahan ay pinainom muna kami ni Mayor ng mainit na tsaa.
Nang magkakarap na kami nila Mayor Flores sa kanyang opisina ay kinumusta kami kung ano na ang lagay ng political climate sa Bulacan.
Tinanong din ni Mayor may alam kami kung sino ang makatunggali ni Gov. Daniel R. Fernando para sa 2025 Midterm elections. Wala kaming masabi dahil wala pa namang nagpaparamdam na political figure para sa gubernatorial race.
Sabi ni Mayor sa amin, dapat daw ’eh, kami ang magsabi sa kanya kung ano na kalagayan ng takbo ng pulitika sa Bulacan dahil ang trabaho namin ay kumalap ng balita. Sa halip ay siya pa ang nagbigay sa amin ng nakitang pulitika.
Maiba ako, kahit pala mainit na klima ang ating nararamdaman dito sa lowland, doon sa DRT ay hindi masyadong ramdam ang maalinsangang panahon. Nararamdaman pa rin doon ang mahalumigmig na klima na dulot ng mayayabong na puno sa paligid ng munisipyo.
Isa pa, nasa mataas na bahagi ng probinsya ang DRT kaya walang kulob na init na nararamdaman ang mga tagaroon. Sabi nga ni Mayor Flores, hindi naman apektado ng mataas na heat index ang mga eskwela sa mga paaralan doon dahil nga hindi masyadong tumataas ang temperatura sa upland area tulad ng DRT.
Iyan ang kaibahan ng bulubunduking lugar sa kapatagan tulad sa Malolos City at mga karatig nitong bayan. Ang init factor kasi dito sa kapatagan ay umaabot yata sa 40 degrees Celsius kaya kahit sa gabi ay ramdam ang mainit na singaw ng init.
Ang kagandahan pa sa DRT ay kabilang na siya sa tourist destinations sa Bulacan dahil sa naggagadahang falls sa nasabing bayan tulad ng Veridia Falls at Talon Pari Falls. Kaya kung malamig na tubig ang nais paliguan ng ating mga kababayan ay doon na dumako na sa DRT dahil maraming falls na mapaliliguan doon.
Naroon din ang dinarayong Carribean Water Park Resort, na pag-aari ni Mayor Flores. (UnliNews Online)