PANDI — Pinarangalan ang bayan ng Pandi ng “Gawad Edukampyon for Early Childhood Care and Development (ECCD)” Municipality Category mula sa Department of the Interior and Local Government (DILG), at Department of Education (DepEd) nu’ng Saturday (May 4).
Kampeon ng edukasyon ang nasabing bayan nang makamit nito ang exemplary performance na may mataas na overall points.
Ang naturang parangal ay personal na tinanggap ni Mayor Enrico Roque at inialay sa mga daycare teachers, mga magulang at komunidad dahil sa dedikasyon at pagmamalasakit sa edukasyon ng mga batang Pandieño.
“Hindi lamang ito tagumpay ng ating lokal na pamahalaan kundi tagumpay ng bawat isa sa atin na nagtutulungan para sa ikauunlad ng ating mga kabataan. Sa ating mga daycare teachers, mga magulang, at komunidad, maraming salamat sa inyong dedikasyon at pagmamalasakit sa edukasyon ng mga batang Pandieño,” ani Mayor Roque.
Dagdag pa ng alkalde, “nawa’y magsilbing inspirasyon ang parangal na ito upang mas lalo pa nating pag-ibayuhin ang ating mga programa at serbisyo para sa mas magandang kinabukasan ng bawat bata sa bayan ng Pandi.”
Ang basehan ng excellent performance ay ang dedikasyon sa pagpapatupad at pagpapatibay ng mga programa pagdating sa Early Childhood Care and Development, suporta sa Basic Education, at sa malasakit ng child development workers/daycare workers pagdating sa serbisyo publiko.
Nagpasalamat naman si Mayor Roque sa Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Education, Early Childhood Care and Development Council, Center for Local and Professional Development at Rex Education sa tiwalang ipinagkaloob sa bayan ng Pandi. (UnliNews Online)