LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Kinabitan na ng mga pasilidad para sa mga turistang Persons with Disabilities o PWDs, ang Museo ng Unang Republika ng 1899 sa makasaysayang simbahan ng Barasoain sa lungsod ng Malolos, Bulacan.
Partikular dito ang mga braille sa bawat detalye ng kasaysayan na itinatampok sa museo. Mayroon ding inilagay na diorama na katumbas ng mga isinasaad sa braille na maaaring kapain para sa may kapansanan na bulag.
Makakapanood naman ang may kapansanan na pipi at bingi ng mga paliwanag tungkol sa kasaysayan ng Unang Republika, sa pamamagitan ng hand-sign languages sa pamamagitan ng isang flat-screen monitor na ikinabit sa isang bahagi ng museo.
Ipinagawa ang nasabing mga pasilidad ng Rotary Club of San Juan Del Monte sa tulong ng Touch the Artist’s Vision. Libre nila itong ipinagkaloob sa National Historical Commission of the Philippines o NHCP para ilagak sa kanilang mga museo.
Ayon kay Rosario Sapitan, deputy executive director ng NHCP, pinapatunayan lamang ng proyektong Inside Out: Museum Unboxed na ang edukasyon ay para sa lahat kung saan hindi maiiwan ang mga mamamayang may kapansanan.
Para naman kay Liza So ng Rotary Club of San Juan Del Monte, hindi maikakaila na isang malaking hamon sa mga PWDs na makapunta sa isang museo. Kaya’t sa pamamagitan ng inisyatibong ito, mabibigyan ng pagkakataon na malaman, matutunan at masuri ang kasaysayan ng Pilipinas ang mga PWDs.
Bawat galerya ng Museo ng Unang Republika ng 1899 ay nilagyan ng mga braille na may katumbas na diorama. Mula sa konsepto ng demokrasya at pagproklama sa Kalayaan ng Pilipinas noong Hunyo 12, 1898.
Kasama na rito ang pagdating ni Heneral Emilio Aguinaldo sa Malolos, Bulacan upang buksan ang Kongreso ng Malolos noong Setyembre 15, 1898.
Nilalaman din ng mga braille ang mga pangunahing probisyon ng Saligang Batas ng 1899 na nagratipika sa proklamasyon ng Kalayaan at mga karapatang sibil na ipinagkaloob sa mga mamamayan.
Nasa huling bahagi ang mga braille na tumatalakay sa diwa ng pagkakapasinaya sa Pilipinas bilang isang Unang Republika sa Asya. Mayroon ding paliwanag sa mga braille at diorama kung bakit sa simbahan ng Barasoain piniling idaos ang nasabing mga makasaysayang pangyayari sa pagsasabansa ng Pilipinas.
Kaugnay nito, nauna nang nalagyan ng ganitong pasilidad sa ilalim ng proyektong Inside Out: Museum Unboxed ang Museo ng Kasaysayang Pampulitika ng Pilipinas sa Casa Real de Malolos at ang Museo ni Marcelo H. Del Pilar sa bayan ng Bulakan noong taong 2019.
Pangatlo na ang Museo ng Unang Republika sa simbahan ng Barasoain sa Malolos na nalagyan nito. Habang nasa 12 na mga museo na pag-aari at pinapangasiwaan ng NHCP sa buong Pilipinas ang mayroon nang mga pasilidad mula sa proyektong Inside Out: Museum Unboxed. (UnliNews Online)
Source: PIA Bulacan