NAHALAL nitong Miyerkules (May 22) si Senador Alan Peter Cayetano bilang chairperson ng dalawang mahahalagang komite: ang Committee on Trade, Commerce, and Entrepreneurship at Committee on Higher, Technical, and Vocational Education.
Ito ay sa gitna ng pagbabago sa pamumuno ng Senado bago ang sine die adjournment ng ikalawang regular na sesyon, at matapos maitalaga si Senador Francis Escudero bilang bagong Senate President noong Lunes.
Bilang committee chair ng Trade, Commerce, and Entrepreneurship, pangangalagaan ni Cayetano ang mga usapin na may kaugnayan sa pambansa at internasyonal na kalakalan.
Kabilang sa kanyang mga responsibilidad ang pangangasiwa sa pribadong korporasyon, mga Micro, Small, at Medium Enterprises o MSMEs, at regulasyon ng mga gawain ng mga negosyante. Dagdag pa rito, nakatuon si Cayetano sa kontrol ng kalidad at proteksyon ng mga mamimili.
Pamumunuan din ni Cayetano ang Committee on Higher, Technical, and Vocational Education.
Sa komiteng ito, tutugunan niya ang mga isyu na may kaugnayan sa post-secondary at tertiary education, technical education, distance learning, at pagsasanay sa trabaho.
Kabilang sa kanyang tungkulin ang mapanatili na nasa maayos na kapakanan ang mga guro at mag-aaral sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga scholarship, grant, at insentibo.
Si Cayetano din ang nagnomina kay Senador Francis Tolentino, ang bagong itinalagang lider ng mayorya, bilang committee chair ng Ethics and Privileges upang masigurado ang matatag na reputasyon ng Senado.
Sa mga pagbabagong ito sa liderato, pangungunahan ni Cayetano ang apat na komite kabilang na ang Committee on Accounts at Committee on Science and Technology.
Dahil sa malawak na karanasan at dedikasyon ni Cayetano, hangarin niyang masolusyonan ang mga isyung may kinalaman sa kalakalan, edukasyon, at gawain ng pamahalaan. (UnliNews Online)