MANILA — Isang makabuluhang hakbang ang ginawa ni Senador Alan Peter Cayetano upang mapalakas ang digital infrastructure ng bansa at mapahusay ang koneksyon para sa lahat ng Pilipino matapos opisyal na isinumite ang Konektadong Pinoy Act sa Senado bilang committee report noong Miyerkules (May 22).
Ang Senate Bill Number 2699, na magkasamang isinulong ng Committees on Public Services at Finance, ay naglalayong baguhin ang luma at lipas na regulasyon ng telekomunikasyon ng bansa upang maiayon ito sa pangangailangan ng makabagong panahon.
Bilang chairman ng Senate Committee on Science and Technology, naniniwala si Cayetano na sa pamamagitan ng modernisasyon ng telekomunikasyon, matutugunan ang mga hadlang sa koneksyon tulad ng isyu sa halaga, bilis, at accessibility.
“We can no longer afford to be in the dark ages when it comes to the Internet and its accessibility to each and every Filipino,” aniya.
Kasama ni Cayetano ang mga co-authors na sina Senador Marcos, Gatchalian, Poe, Revilla Jr., Zubiri, Villanueva, Tulfo, Lapid, Estrada, and Legarda, upang makapagtatag ng komprehensibong connectivity framework sa bansa.
Iminumungkahi ng batas ang apat na pangunahing reporma upang masiguro ang mas maaasahan at abot-kayang koneksyon ng internet para sa lahat.
Layunin nitong gawing mas simple ang proseso para sa mga kompanya ng telekomunikasyon na makakuha ng pahintulot, kung saan hindi na kailangan ang pagkuha ng prangkisang pambatas. Tunguhin ng pagbabagong ito na pataasin ang kompetisyon, bawasan ang gastos, at pagandahin ang kalidad ng serbisyo.
Nakatuon din ang batas sa mas epektibong pamamahala ng radio spectrum upang mapahusay ang serbisyo at mapalawak ang saklaw nito.
Iminumungkahi rin ng batas ang mga kompanya ng telekomunikasyon na magbahagi o maghati sa paggamit ng imprastruktura upang mabawasan ang gastos sa operasyon at mapadali para sa mga bagong kompanya na pumasok sa merkado, lalo na sa mga lugar na kasalukuyang kulang o walang serbisyo ng koneksyon.
Panghuli, nagtatakda ng performance standards ang Konektadong Pinoy Act upang matiyak ang epektibong pagpapatupad ng panukalang batas at maprotektahan ang interes ng mga Pilipino.
Inaasahan ni Cayetano na sa pinahusay na internet, magiging mas madaling ma-aaccess ng bawat Pilipino ang mga serbisyo ng gobyerno at mapapabilis ang bureaucratic process at ang pagkuha ng pampublikong impormasyon.
“The use of present technology affords the government the opportunity to bring itself and its services closer to the people,” wika niya.
Nakatakdang talakayin sa mga sesyon ng Senado ang Konektadong Pinoy Act. Sa suporta ng mga ahensya sa pagpapaunlad ng ekonomiya tulad ng National Economic and Development Authority (NEDA), kumakatawan ang batas na ito sa isang mahalagang hakbang patungo sa mas konektadong Pilipinas sa pamamagitan ng abot-kaya at maaasahang internet access.
Sa pagsumite ng committee report sa Senado, maaasahan ng mga Pilipino ang koneksyon sa internet na may makatwirang presyo at mahusay na kalidad, lalo na sa mga lugar na hindi pa nabibigyan o kulang sa serbisyo.
“We therefore must modernize our digital infrastructure to ensure that all Filipinos have access to, and the use of, affordable, quality, and up-to-date information and communication technologies,” sabi ni Cayetano. (UnliNews Online)