Saturday, December 14, 2024
Amana Water Park
HomeRegional NewsPasinayang ‘Pustura’ Fashion Show ng DTI, target matulungan ang mga designers, mananahi...

Pasinayang ‘Pustura’ Fashion Show ng DTI, target matulungan ang mga designers, mananahi sa Gitnang Luzon

MEXICO, Pampanga — Matagumpay na idinaos ng Department of Trade and Industry (DTI) ang pasinayang pagtatanghal ng ‘Pustura’. Isang fashion show na nagtatampok ng mga makabagong disenyo ng barong, filipiana, gowns, bags, wearables at jewelries na likha ng mga designers at mananahi mula sa gitnang Luzon.

Ayon kay DTI-Region III Regional Director officer-in-charge Brigida Pili, isa itong pangunahing proyekto ng ahensiya upang itaguyod ang mga naghahanapbuhay sa larangan ng Creative Industy.

Pagtugon aniya ito sa kanilang bagong mandato ng ahensiya sang-ayon sa itinatadhana ng Republic Act 11904 o ang Philippine Creative Industry Development Act (PCIDA).

Inirampa ni DTI-Region III Regional Director officer-in-charge Brigida Pili ang isa sa mga bagong disenyo ng terno gown na likha ng isa mga designers mula sa gitnang Luzon sa ginanap na ‘Pustura’ Central Luzon Fashion Show sa SM Pampanga, Mexico, Pampanga. (DTI Region III)

Aabot sa 24 na mga designers mula sa gitnang Luzon ang nagtanghal ng kani-kanilang mga likha. Pawang mga world class na local traditional & modern inspired fashionable at mga accessories ang natunghayan sa ‘Pustura’ Central Luzon Fashion Show na ginanap sa SM City Pampanga sa Mexico, Pampanga.

Ipinakita ng mga taga-Pampanga na designers ang kani-kanilang yari na wearables, tiedye shirts, sando at caps. Ang mga produkto ng Aurora ay itinerno sa mga pambansang kasuotan gaya ng fossilized cacao slippers & fans, modern sabutan earrings & kalilasa necklace, hand-painted bayong bags at mga sabutan bags & hats.

Iba pa rito ang sari-saring accessories ng Bataan na itinerno rin sa mga leather bags, slippers made with used tires at ang mga wire jewelry. Sa Zambales, itinampok ng mga designers nito ang mga bags, slip ons, crochet at mga macrame bags.

Mayroon ding bags at accessories na gawa sa Tarlac ang ipinakita. Ang Nueva Ecija ay mayroong ipinakita na makabagong disenyo ng Filipiniana at Barong. Pinakapinalakpakan at nabigyan ng standing ovation ang mga modernong traje de boda, gowns at Barong na dinisenyo ng mga Bulakenyo.

Nabuo ng DTI-Bulacan ang titulong ‘Pustura’ noong taong 2023 sa layuning maitanghal ang mga natatanging likhang traje de boda, Filipiniana, baro at saya at mga Barong Tagalog ng mga Bulakenyong mananahi at designers.

Ito na rin ang ginamit na titulo sa idinaos na panrehiyong fashion show na magsisilbing branding ng gagawin nang taunang major creative event.

Ipinaliwanag ni DTI-Region III Assistant Regional Director officer-in-charge at siya ring DTI-Bulacan Provincial Director Edna Dizon, ang ‘Pustura’ bilang isang pangngalan ay nangangahulugan na tindig, bikas, at ayos ng buong katawan.

Bilang isa namang pang-uri, naglalarawan ang ‘Pustura’ sa pagiging maayos, malinis, at matikas. Hinalimbawa ni Dizon ang isang Bulakenyong sawikain na kadalasang naririnig kapag ang isang tao ay bihis na bihis tulad ng “nakapustura ka na naman, saan ang lakad?”

Kaugnay nito, batid ni Dizon na ang 24 na mga designers na lumahok sa nasabing fashion show ay maliit na bahagi pa lamang sa potensiyal na nasa mahigit 500 mga designers at mananahi pa sa gitnang Luzon.
Kaya naman tiniyak niya na mas paiigtingin pa ng DTI ang pagtunton sa mga ito upang mas makapagbigay ng tulong ang ahensiya mula sa Malikhaing Pinong Program ng PCIDA.

Samantala, target itanghal sa taunang Likha ng Central Luzon Trade Fair na ginaganap sa Metro Manila ang ‘Pustura’ Central Luzon Fashion Show. Iba pa rito ang planong ganapin din ito sa mga lalawigan ng Aurora, Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Tarlac at muling ibalik sa Pampanga. (UnliNews Online)

Source: PIA Bulacan

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

Most Popular

Recent Comments