Thursday, July 4, 2024
Amana Water Park
HomeOpinionAng lahat ng wishes ng mga deboto ay pagbibigyan -- Mayor Valeda

Ang lahat ng wishes ng mga deboto ay pagbibigyan — Mayor Valeda

HINDI inalintana ni Obando Mayor Leonardo “Ding” Valeda, ang init ng panahon maipadama lamang sa mga deboto nina Sta Clara, San Pascual at Nuestra Señora de Salambao, ang kanyang debosyon sa mga patron ng pistang bayan ng Obando.

“Ang mensahe ko po sa mga deboto ni Nuestra Señora de Salambao, na kayo ay mag-iingat dahil nakita ko po ang napakaraming deboto na dumagsa kanina at hindi ko po akalain na gano’n karami ang dadagsang deboto.”

Pinag-iingat din ni Valeda ang mga deboto na palaging laging hydrated lalo na ngayong nakaranas tayo ng mataas na antas ng heat index.

Nakiisa si Mayor Valeda at ang mga bumubuo ng Sangguniang Bayan ng Obando, at mga kawani ng Pamahalaang bayan sa mga debotong umiindak sa saliw ng tugtog ng musiko, ang pamosong tugtugin na “Santa Clarang Pinong-pino” ang pamanang tradisyong at malalim na debosyon ng mga Katoliko.

Sinabi rin ni Mayor Valeda, na ang lahat ng kahilingan ng nga deboto na buhat pa sa iba’t ibang panig ng Pilipinas ay pagbibigyan ng santo at mga santa na kanilang pinipintakasi tulad nina Nuestra Señora de Salambao, Sta Clara at San Pascual. “Lalong tumitibay ang pananampalataya ng ating mga deboto at nananalig sila na ang kanilang mga kahilingan ay pagbibigyan ng mga patron ng Obando na sina Sta Clara de Assisi, San Pascual de Baylon at Nuestra Señora de Salambao.”

Sa unang araw ng kapistahan ng Obando ay doon isinasagawa ang pamosong “Fertility Dance” sa karangalan ng patron Nuestra Señora de Salambao. Ang mga ginang naman na hindi pa nagkakaanak, maging ang mga nanay na gusto pa ng karagdagang mga anak ay sumasama sa prusisyon at sumasayaw para sa karangalan ng patron Sta Clara, ang Santa na dinadalanginan ng mga debotong dumudulog at humihingi ng mapapangasawa at humihiling na mga anak, partikular na ang babaeng supling.

Dahil sa pagdagsa ng mga deboto na lumahok sa Fertility Dance Festival at pagdiriwang ng kapistahan ng bayan ng Obando ay tiniyak naman ni PMaj. Mark Anthony Tiongson ang hepe ng Obando MPS na hihigpitan nila ang seguridad kung saan nagtalaga sila ng mga pulis na naka civilian clothes at makikihalo sa mga tao. Sila ang nagsilbing bantay sa mga deboto.

Ayon Kay Major Tiongson, palaging nakahanda ang buong puwersa ng Obando PNP sa anomang eventualities habang isinasagawa ang tatlong araw na kapistahan ng Obando.

Ang kasaysayan ng Nuestra Señora de Salambao, ay napakapayak lamang sa simula. Ang imahe ng birheng Maria ay nasagip sa ilog na sakop Navotas ng tatlong mangingisdang sina Juan, Julian at Pedro Dela Cruz, gamit ang Salambao, ang lambat na nakatali sa magkakrus na kawayan noong June 19, 1763

Ayon sa naitalang istorya, dadalhin Sana ng mga mangingisda ang nasagip na rebulto sa Malabon, pero bumagal umano ang takbo ng kanilang sinasakyang bangka at nahirapan sila sa paggaod.

Kaya nagpasya ang mga mangingisda na dalhin sa Obando ang imahe ng birhen at dahil doon gumaan umano ang kanilang pagsagwan sa bangka at nang nakarating sa Pampang ng Obando River ay kanilang iniahon ang imahe ng birhen at dinala iyon sa parokya at mula noon ay bininyan ng pangalang Nuestra Señora de Salambao. (UnliNews Online)

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

Most Popular

Recent Comments