KAMAKAILAN ay napagawi kami ng mga kasama ko sa media na sina Rommel Manahan, Louie Angeles at Beth Tan, sa opisina ni Plaridel Vice Mayor Lorie Vinta, at napag-usapan namin doon ang paksang pulitika. Alam ninyo si Vice Mayor Lorie ay pamangkin ko dahil ang kanyang lola sa ama ay lahing Camua at ang aking nanay ay isa ring Camua na kumbaga sa tinapay ay isang panaderya lang ang aming pinagmulan.
Si Vice Mayor Lorie ay nasa unang termino pa lang ng kanyang pagiging pangalawang ina ng bayan ng Plaridel. Bago siya naluklok sa pangalawang pinakamataas na puwesto ng kapangyarihan sa aming bayan ay ilang termino din siyang naging konsehal ng bayan at nauna rito, naging Sangguniang Kabataan Chairman din siya ng Barangay Sipat.
Habang kami ay magkakausap nila Vice Mayor Lorie, direktang sinabi ni Rommel na posible raw na dalawang political bigwigs ng Plaridel ang makatunggali ng bise alkalde, ayon sa balita na kanyang nasagap. Tumingin ako Kay Vice Mayor Lorie makaraang sabihin ni Rommel ang gayong paksa. Hindi man lang ikinagulat ni Vice Mayor Lorie ang nasabing balita.
Palibhasa ay beterana na sa larangan ng pulitika, alam na niya marahil kung sino-sinong political bigwigs ang sinasabi ni Rommel. Simple lang ang kanyang sagot. Natural lang anya na may magkakalaban sa larangan ng pulitika Pero lagi naman umano siyang handa may kalaban man o wala. Ang kanya umanong prayoridad sa kasalukuyan ay ang pagsisilbi sa mga mamamayan ng Plaridel, kaya naman hindi siya nagsasawang dalawin o bisitahin ang kanyang mga kababayan sa 19 na barangay ng Plaridel dahil malapit sa kanyang puso ang kanyang mga kababayan at gayondin naman sila sa kanya.
Dahil mausisa ang aking mga kasama, sinabi pa ni Rommel ang ganitong linya: ” Vice Mayor Lorie, balita ko ay dalawang babae ang makakalaban mo sa 2025 mayoralty race?” Simple lang ang naging tugon ni Vice Mayor Lorie. “Mabuti pa kayong mga media at marami kayong alam. Para sa akin, trabaho lang muna bago ang pulitika. Lahat naman ng tao ay may kani-kanyang pangarap na nais na maabot. Ako rin ay hindi ko inakala na maaabot ko ang posisyong ito. Kapag ang Diyos, ang nagtakda hindi ka makatanggi sa kanyang kalooban”. May Kababaang tugon ng bise alkalde.
Tinanong din naman ni Louie Angeles, reporter ng DWIZ Radio si Vice Mayor Lorie , kung titiket pa rin siya sa team Vistan, sa incoming 2025 midterm elections. Sinabi ng pangalawang punong bayan na hangga’t pinagkakatiwalaan siya na maging ka-tandem ulit ni Mayor Jocell Vistan Casaje, ay mananatili siya sa kanilang team na pinaniniwalaan niyang winning team pa rin sa darating na halalan.
Muling tinanong ni Louie si Vice Mayor Lorie kung may pangarap siyang tumaas ng posisyon sa public office. Simple rin ang naging tugong ng bise alkalde. “Lahat naman ng pulitiko ay may pangarap ng higit sa posisyon na kanilang kinalalagyan. Naniniwala ako na ang Diyos ang nagtatakda ng lahat ng bagay. Bilang pangalawang punong bayan, masaya na ako sa aking posisyon kasama ang aming minamahal na Punong Bayan.”
Sa pananaw naman ng mga veteran politicians, iba ang boto ng mga konsehal ng bayan, iba ang boto ng pangalawang punong bayan at iba rin ang boto ng punong bayan. Kung ano anila ang naging bilang ng mga boto ni Vice Mayor Lorie noong nakaraang halalan, sila rin umano ang mga botanteng kakampi ni Vice Mayor Lorie, ayon sa mga beteranong pulitiko.
Sa ibang pananaw naman, ang laban sa pulitika ay labanan ng istratehiya. Kailangang magaling ka. Kumbaga sa giyera, nasa magagaling na pulitiko ang mga katangiang taglay ng isang magaling at matalinong mandirigma. Kaya kung hindi ka rin lang mahusay, magaling at matalino huwag ka munang haharap sa sinomang mandirigma na mananagumpay. (UnliNews Online)