PERSONAL na dinaluhan ni Senator Bong Go ang pagpapasinaya at pagbabasbas ng bagong Super Health Center sa Barangay Taboc, Angat, Bulacan, noong Martes (June 4).
Pinondohan ito ng Department of Health (DOH) sa ilalim ng Health Facilities Enhancement Program (HFEP) sa halagang P12 milyon.
Naging katuwang ni Senador Bong Go sa pagpapasinaya sa nasabing sa Super Health Center si Vice Gov. Alex Castro, Cong. Salvador Pleyto na Bulacan 6th District, at si Angat Mayor Reynante S. Bautista.
Ang bagong health facility ay may mga pasilidad tulad ng Labor Room/Ward, Obstetrical & Surgery Room, Dental Clinic, Consultation room, Ultrasound & X-Ray room, Laboratory, NTP Treatment section at ang record room.
Kung matatandaan ay noong July 4, 2023, isinagawa ang groundbreaking nito na pinangunahan ni Mayor Bautista. Dumalo rin noon ang iba pang mga lokal na opisyal ng Bulacan at ng munisipalidad, maging ang mga Barangay Health Workers.
Napakalaking tulong ng Super Health Center sa mga Angatenyo, lalo na at napakalayo pa ng kailangan nilang ibiyahe para lamang makapagpagamot o magpa-check-up sa hospital sa siyudad. Sa tulong nito, mailalapit na ang de-kalidad na serbisyong medikal sa mga mamamayan.
Ito ay bahagi ng inisyatiba ni Senator Kuya Bong Go na palakasin ang health care system sa ating bansa. Ang proyektong ito ay suportado rin ng kanyang mga kapwa mambabatas, ng Department of Health, at ng mga lokal na opisyal.
Isa ito sa 18 mga Super Health Center na ipinapatayo sa Bulacan upang agad na makatugon sa mga pangunahing libreng serbisyong pangkalusugan na hindi na kailangang sumadya pa sa mga ospital. (UnliNews Online)