Tuesday, July 2, 2024
Amana Water Park
HomeSilang mga pantas ng Panitikang Pilipino

Silang mga pantas ng Panitikang Pilipino

FEATURE STORY
Ni Manny C. Dela Cruz

MARAMING magagaling na manunulat sa Panitikang Pilipino, sa Pilipinas pero ang mga manunulat na nakapaloob sa artikulong ito ay sila mismong nakasama, nakapalagayang-loob, nakahuntahan ng may akda ng artiklong ito at kung minsan ay nakakasama sa harapan habang lumalagok ng malamig na espesyal na red wine at may umiinom din naman ng serbesang pale pilsen, kasabay ng malakas na pagtatawanan kapag may bisita na nag-alok ng harapang ‘sky is the limit’ kapag tapos na ang editorial works noong unang bahagi ng dekada 2000.

Sila ang mga nakatrabaho ng may akda sa daily tabloid newspaper, naging kaibigan at naging simpleng kabarkada ng may akda na maliit na peryodista lamangsa kabila ng pagiging higante nila sa larangan ng peryodismo at panitikang Pilipino.

Sila ay sina Lamberto E. Antonio, Palanca awardee at dalubhasa sa pagsusulat ng librong pang panitikan at mahusay na scriptwriter ng pelikula. Noong ang may akda ay nadestino ng Maynila, noong Hulyo 2000 at nagtrabaho sa desk bilang news editor ng daily tabloid na Text Tonight na may tanggapan sa Port Area Manila, maraming nakilala at nakadaupang-palad na mga peryodista at mga magagaling na manunulat ng panitikan ang awtor na ito.

Bukod kay Professor Antonio, nakasama rin ng awtor ang batikang manunulat na si Dean Domingo G. Landicho, na isang batikang manunulat ng libro, Nagtapos ng kursong dyornalismo sa Pamantasan ng Lyceum na kalaunan ay nagtamo ng Bachelor of Laws degree sa nasabing pamantasan at marami pang karangalan na kanyang natamo bilang manunulat at tagapagturo at naging awardee sa Carlos Palanca Memorial Awards for Literature dahil sa kanyang short stories tulad ng “Huwag Mong Tangisan Ang Kamatayan ng isang Pilipino sa Dibdib ng Niyebe”, “Talulot sa Pagas na Lupa”, “Himagsik ni Emmanuel Lazaro” at marami pang iba.

Sina Professor Landicho (Ka Domeng) at Professor Antonio (Koyang Ambet) ay kahanay ng batikang Bulakenyong peryodista at manunulat ng Panitikan na si Jose Rey Munsayac, o Ka Joey. Doon sa mga bagong sibol na peryodistang Bulakenyo na hindi nakakakilala kay Ka Joey, siya ay isang Palanca awardee at si Ka Joey rin ang may akda ng libro na may pamagat na “Ang Aso, ang Pulgas, ang Bonsai, at ang Kolorum” na inilathala ng University of the Philippine Press noong 2000 at ang librong may titulo na “Duguang Kamay sa Nilulumot na Pader” na inilathala noong 2010 ng UPP.

Kung babasahin ay waring tatlong aklat ang nobela. Unang pangkat ay patungkol sa mga rebolusyunaryo makaraang sumuko si Hen. Aguinaldo sa mga Amerikano. Si Ento, ang pangunahing karakter na rebolusyonaryo na siya ring pinuno ng isang grupo na hindi sumuko pagkaraang sumurender si Aguinaldo. Ang ikalawang aklat naman ay patungkol sa normal na buhay matapos ang pagsuko. Ang ikatlo ay tungkol sa bagong nayon, ang nayong itinatag ng mga sumukong rebolusyunaryo, pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ang nasabing mga aklat ay mabibili ngayon sa mga kilalang book store.

Kaya nabanggit ng may akda si Koyang Ambet, nakasama kasi siya ng awtor sa isang daily tabloid na may opisina sa mismong gusali ng National Press Cub sa Intramuros, Manila. Siya ang editor-in-chief at ako ang news editor. Maraming natutunan ang may akda kay Prof. Antonio sa larangan ng news editing. Anya, mainam siyang kasama at walang yabang. Kapag kami ay nagkakakwentuhan sa opisina ng pahayagan, pinuna niya ang ilang maaangas na peryodistang pumupunta noon ng NPC tuwing Biyernes na sa bunganga lang anya magaling pero kulang sa kaalaman lalo na sa pag-edit at pagsulat ng balita.

Ang mga tula ni Prof. Antonio ay pinagsama-sama sa 20 tula, 1971: Hagkis ng Talahib, 1980 at Pagsalubong sa Habagat, 1986. Ilan sa kanyang mga tula ay ibinilang sa mga antolohiyang tulad ng Manlilikha, Talaang Ginto sa tula, Parnasong Tagalog at New Poems sa Pilipino. Ang kanyang mga sanaysay at maikling kuwento ay pinagsama-sama sa Rebanse, taong 1991. Kasama siya sa sumulat ng Insiang, noong 1970. Ito ang unang pelikulang Pilipino na inimbitahan sa Cannes Film Festival. Siya rin ang manunulat na nanalo sa Palanca Awards ng sampung beses.

Marami siyang kaswal na kwento tungkol sa kanyang pagiging manunulat noong panahon ng martial law kug saan ay kabilang siya sa mga progresibong manunulat sa panahon na may sensura sa pamamahayag. Palibhasa ay isang probinsiyano na tubong Cabiao, Nueva Ecija , pati ang gawaing bukid ay kanyang ibinida sa akin. Bukod sa pagiging editor ay nagtuturo din siya ng subject na literaturang Pilipino sa iba’t ibang paaralan.

Si Prof Domeng naman ay kolumnista ng daily tabloid na Text Tonight. News editor naman ang awtor ng nasabing arawang pahayagan. Sabi ng may akda “Iyang mga dekano ng panitikang Pilipino ay humahanga ako sa kanilang paghabi ng mga pagungusap sa larangan ng opinyon. May lalim, matalas at may angking bigat ang kanilang mga paksa kaya nakawiwiling basahin. Wika nga, hampas sa kalabaw, sa kabayo ang latay.”

Nakapaglathala si Ka Domeng ng 50 aklat ng tula, maikling kuwento, nobela, dula, talambuhay, literaturang pambata at mga aklat ng pag-aaral. Siya rin ay aktor sa dula, pelikula at telebisyon kaya malaking karangalan na nakasama ko sa pahayagan ang mga premyadong manunulat tulad ni Ka Domeng.

Si Edgardo M. Reyes naman na isa ring premyadong manunulat ng nobela na kung saan ang kanyang mga sinulat na fiction stories ay nalathala sa vernacular magazine na Liwayway ay sandaling nakasama ng awtor sa pahayagang tabloid. Sa kagustuhan ng aming publisher noon na may makasamang literary writer si Koyang Ambet, pinuntahan nila sa kanyang bahay sa Antipolo si Reyes at hinimok na magsulat ng kolum sa tabloid na pinapatnugutan namin nina Koyang Ambet, at ng sumulat ng lathalaing ito. (hindi ang Text Tonight).

Matatandaan na ang kanyang nobela na “Sa mga Kuko ng Liwanag” ay naisapelikula na ang nagdirehe ay ang bantog na film director na si Lino Brocka. Ang nasabing pelikula ay umani ng mga paghanga at maraming tagumpay. Sa mga column item naman na sinulat ni Reyes sa pahayagan na aming pinatnugutan ay may pagka-satire ang estilo ng kanyang panulat. Gumagamit si Reyes ng mga nakatutuwang linya pero may mga personaheng pinatatamaan lalo na ang mga nanunungkulan sa gobyerno. Hindi rin nagtagal ang pahayagan naming pinatnugutan dahil na rin sa kakapusan ng pondo. (UnliNews Online)

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

Most Popular

Recent Comments