Tuesday, July 2, 2024
Amana Water Park
HomeOpinionIba sa karaniwan ang Munisipalidad ng DRT -- Mayor Flores

Iba sa karaniwan ang Munisipalidad ng DRT — Mayor Flores

BIHIRA akong mapagawi ng municipal hall ng Doña Remedios Trinidad, ang bayan na sakop ng 3rd District ng Bulacan, kaya naman nitong nakaraang buwan ng Mayo ay pinasyalan naming muli ang DRT at maraming kakaibang bagay akong napansin sa munisipyo ng nasabing bayan.

Ano nga ba ang kaibahan ng DRT sa mga municipal at mga city hall sa lalawigan ng Bulacan, gayong pare-pareho lang namang local government unit? Sa aking obserbasyon ay malaki ang pagkakaiba hindi dahil sa lokasyon o topograpiya dahil ang DRT ay nasa mataas na kalagayan o bulubunduking bayan.

Ito ang kakaiba at naiibang tanawin sa mismong municipal hall ng nasabing bayan. Araw ng Lunes nang umakyat kami ng DRT. People’s day kung tawagin ang araw na ito sa mga munisipyo ng Bulacan dahil tuwing Lunes humuhugos ang mga tao sa bawat munisipyo o city hall man dahil sa pangangailangang pinansiyal, medical at serbisyo.

DRT Mayor Ronaldo T. Flores (File photo)

Ako ay nagtaka kung bakit wala ni isa man taong barangay akong nakita sa munisipyo ng DRT. Sa madaling salita, walang nanghihingi ng pera para pambili ng gamot, pampagamot sa duktor, pambayad sa bills sa ilaw at tubig at iba pang pangangailangang pinansiyal. Bakit kaya gayon? Sambit ko sa aking sarili samantalang sa iba’t ibang munisipyo na aming pinupuntahan ay maraming tao ang naghihintay ng tulong mula sa kanilang alkalde.

Inaabot sila ng ilang oras sa paghihintay para lamang maabutan ng kaunting tulong buhat sa kanilang punong bayan. Eh bakit nga ba wala ng gayong senaryo sa DRT? Dahil na rin sa curiosity ay tinanong ko si Mayor Ronaldo T. Flores, kung bakit hindi siya pinupuntahan ng mga kababayan niya para manghingi ng tulong pinansiyal at iba pang personal na pangangailangan.

Ang sagot ni Mayor Flores. “Hindi namin sinanay ang mga mamamayan ng DRT na manghingi at hindi namin pinaghihintay ng matagal ang mga taong pumupunta ng munisipyo kapag may mahalagang kailangan. Agad silang inaasistihan ng aking mga tauhan. Kumikilos ang lahat ng mga hepe ng bawat tanggapan sa aming bayan partikular ang MSWD, health office at iba pa kaya wala kayong makikitang taga DRT na naghihintay o nagbabantay ng matagal sa munisipyo.” Anang alkalde.

Tinuruan din umano nila ang mga mamamayan ng DRT na maging produktibo. “Malawak ang lupang taniman sa DRT kaya sanay ang mga mamamayan ng bawat barangay na magtanim, maghayupan para sa kanilang ikabubuhay at hindi umaasa sa panghihingi” Dagdag pa ni Mayor Flores. Masakit nga naman sa mata na makita ang mga tao na nakatangghod sa munisipyo at naghihintay ng tulong sa kanilang mayor.

Heto pa ang maganda sa DRT. Lahat ng tanggapan doon sa munisipyo ay binago, pinalaki at pinaganda kaya kumbinyente ang mga tauhan maging ang mga mamayang pumupunta sa iba’t ibang tanggapan sa munisipyo. “Kahit naman maganda ang environment sa DRT ay mayroong aircon ang bawat opisina dito at tinuruan ko rin ang aking mga tauhan na magtipid sa paggamit ng kuryente.” Sabi ni Mayor Flores.

Talagang malaki ang ipinagbago ng municipal hall ng DRT at dahil ito ay first class municipality at isa na ngayong tourist destination, sinikap ni Mayor Flores na mapaganda at maayos ang municipal hall ng nasabing bayan kaya naman maihahanay ang munisipyo ng DRT sa mga magandang gusaling pampamahalaan hindi lamang sa Bulacan kungdi maging sa ibang lalawigan.

Kaya sa mga nagnanais na bisitahin ang munisipyo ng DRT, sila na ang makapagsasabi na naiiba sa karaniwan ang mga pasilidad ng gusaling pampamahalaan ng nasabing bayan at kung ang pook pasyalan naman ang sasadyain sa DRT, ipinagmamalaki ni Mayor Flores ang magandang Talon sa kanyang bayan. (UnliNews Online)

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

Most Popular

Recent Comments