KAHIT saang paraaning laban ay hindi tayo uubra sa China. Napakalaki ng bilang ng kanilang hukbong sandatahan na aabot yata ng mahigit dalawang milyon samantalang ang ating hukbo ay 150,000 active personnel lamang at mayroon tayong 1,400 reserba. Kahit nga labanan ng palakasang pumitik ay talo pa rin tayo dahil sa dami nila.
Ang Philippine Navy ay mayroon lamang 90 combat vessel kasama na ang BRP Jose Rizal na may armament na anti-ship missiles samantalang ang Philippine Air Force ay mayroon lang yatang 12 fighter jets. Ang mga ito ba ang ipantatapat natin sa China?
Ang mga Intsik ay mayroon silang dalawang aircraft carrier at 730 barkong pandigma. Ang fighter jets nila ay 1,300 kaya huwag tayong mangangahas na hamunin ng giyera ang hukbong Intsik at hindi tayo uubra sa kanilang puwersa.
Ang nakatatakot nilang sandata ay ang nuclear bomb kaya kapag sampung bomba nukleyar ang kanilang pinaulan sa Pilipinas ay mabubura sa mapa ng mundo ang Philippines my Philippines. Kaya iyang mga maaangas na netizens sa social media na naguudyok ng giyera sa China ay hindi nag-iisip. Wala kayo sa hulog.
Ipagpalagay na tutulong sa atin ang America kapag tayo ay nilusob ng mga sundalong tsekwa dahil na rin sa Mutual Defense Treaty eh hindi nga ganoon kasimple ang giyera. Baka maraming Pinoy ang atakehin sa puso sa tuwinang may bumabagsak na bomba sa ating kalupaan. Putok dito, putok doon.
Unang unang maaapektuhan ng giyera ay ang ating ekonomiya. Maaapektuhan ang larangan ng industriya at ang lahat ng sektor ng ating lipunan. Marami ang magugutom na pamilya dahil maraming kumpanya ang magsasara. Baka nga hindi sa bala at bomba matigok ang maraming Pinoy lalo na ang mga musmos kungdi sa gutom dahil mahirap umasa sa rasyong pagkain ng gobyerno.
Isa pang halimbawa na posibleng mangyari sa panahon ng digmaan ay ay ang mapupuno ang mga pagamutan ng mga sundalo at mga sibilyang masusugatan dahil sa digmaan. Walang patid ang ugong ng sirena ng mga ambulansiya na pawang sugatan ang sakay dulot ng giyera.
O ano, gugustuhin ba ninyong sumiklab ang digmaang Tsina at Pilipinas? Doon sa mga Pinoy na ipinapalagay na parang larong patintero lang ang labanan sa digmaan, esep esep lang. Paganahin ninyo ang inyong sentido kumon. Ang digmaan ay hindi natatapos ng Isang araw lang. Bumibilang ito ng maraming buwan at taon at kapag natapos na ay walang itatanghal na panalo dahil kapwa talunan ang dalawang bansang magkalaban. (UnliNews Online)