Thursday, July 4, 2024
Amana Water Park
HomeParrot Fish Authentic White Sand Maker

Parrot Fish Authentic White Sand Maker

Feature Article
Ni Manny C. Dela Cruz

MARAMI ang nagtanong kung bakit mayroong puting buhangin sa karagatan lalo na sa Isla ng Boracay at sa maraming lugar sa Palawan, gayundin naman ang mahabang white sandbar ng Camiguin Island, sa Kamindanawan.

Ayon sa siyensiya, hindi lang naman sa dagat mayroong puting buhangin. Doon sa Dipaculao, sa lalawigan ng Aurora ay mayroong batis doon sa dalisdis ng bundok na ang kulay ng buhangin sa sahig ng batis ay off-white o creamy white. Ang gayong uri umano ng buhangin ay quartz na mayroong pino at mayroon din namang magaspang. Ang lahar sand naman na kulay gray white ay hindi original na buhangin kungdi binubuo ito ng bato at lupa na natunaw sa loob ng Mt. Pinatubo at ibinuga noong ito ay pumutok noong June 1991.

Sa artikulong ito ay ang isdang parrot fish ang bida dahil ang uri ng isdang ito ay sadyang kakaiba sa lahat ng uri ng isdang-dagat. Mayroong kakaiba itong katangian na wala sa ibang aquatic animals. Malalakas ang mga panga ng nasabing isda

Ayon sa ulat, ang parrot fish ay mayroong 80 uri pero ang karaniwang uri nito na ating nakikita sa wet market ay ang kulay berde. Isdang loro ang tawag dito sa palengke. Ang mga bakasyonista ang malimit makabili ng bagong huling isdang loro. Palibhasa ay malaman at hindi matinik kaya paborito itong ihawin ng mga turista.

Ang mga bakasyonista na nanggagaling sa mga lalawigan na malayo sa dagat ay sabik sila sa isdang dagat. Sawa na kasi sila sa freshwater fish at dahil ang parrot fish ay bihirang mabili sa palengke, ito ang kanilang hinahanap sa tuwing namamasyal sa beach resort. May mga mangingisda kasi na sadyang nanghuhuli ng parrot fish upang ibenta sa mga turistang dumadayo sa kanilang lugar.

Kaya naman doble ang paghihigpit ng mga bantay-dagat maging ang mga environmentalist dahil ipinagbabawal na ang paghuli, ibenta at kainin ang parrot fish dahil sa katangian nito na kakaiba sa karaniwang isda. Tinawag nga nilang ‘sand machine’ ang parrot fish dahil sa kakayahan nitong gumawa o mag-produce ng white sand na karaniwang nakikita sa mga beach, tulad ng pamosong Boracay white sand.

Bakit tinaguriang white sand maker ang parrot fish? Kung kayo ang papipiliin, sa white sand beach ba o black sand beach ang gusto nilang pasyalan at doon ay maligo sa dagat na napapalibutan ng powdery white sand? Isa lang tiyak na isasagot ng marami, ay sa white sand beach.

Papaano nga ba nagkaroon ng puting buhangin ang karagatan? Ito ba ay kusang sumulpot mula sa kailaliman ng dagat? Ang parrot fish ang siyang may kagagawan kung bakit kumapal nang kumapal ang puting buhangin sa dagat. Ang kakaibang katangian at kakanyahan ng isdang ito ang siyang dahilan kung bakit dinarayo ng mga turista ang mga dalampasigan na napapalamutian ng white sand o puting buhangin.

Ayon sa mga environmentalist, 90 porsiyento ng buhay ng parrot fish ay ginugugol sa paglilinis ng coral reef at ang mga patay na coral naman ay kinakain ng naturang mga isda. Kahit sintigas ng bato Ang patay na coral ay kayang-kayang durugin ng kanilang mga panga ang matigas na coral.

Ang kinaing patay na coral ng parrot fish kapag kanilang idinumi ay mistulang buhangin na kulay puti o creamy white Ayonsa report, ang isang parrot fish ay may kakayahang mag-produce ng 320 kilo ng white sand sa loob ng isang taon. Kaya ang sampung parrot fish ay kayang gumawa ng higit sa tatlong toneladang white sand sa loob ng 12 buwan kaya habang dumarami ang isdang ito ay lalo namang kumakapal ang puting buhangin sa karagatan.

Kaya huwag magtaka kung bakit maraming beaches sa Pilipinas ang nalalatagan ng puting buhangin. Ang dahilan niyon ay maraming parrot fish sa karagatang malapit sa dalampasigan na puno ng white sand at buhay lna buhay ang mga bahura (corals) sa municipal waters ng mga beach na kulay puti ang buhangin.

Dahil kung walang bahura na pamumugaran ng mga parrot fish, sa isang lugar o coastal town, wala rin ang mga isdang parrot dahil walang coral na kanilang lilinisin. Kaya may panawagan ang mga environmentalist sa mga lokal na mangingisda na huwag hulihin ang parrot fish.

Isipin na lang na kailangan ng mga coral o bahura na makapagpasigla upang sila ay lumago at dumami at habang lumalago ang mga bahura lumalaki ang lugar na nasasakop ng bahura ay lumalaki rin ang pangitlugan ng mga isda, kasama na ang parrot fish at kung may namamatay namang corals ay bahala na ang mga parrot fish dahil pagkain nila ang mga iyan.

Kaya malaki ang pananagutan ng lokal na pamahalaang nakasasakop sa coastal waters. Kailangan nilang sanayin at turuan ang mga mangingisda sa kanilang mga lugar na nasasakupan tungkol sa tamang pangangalaga sa parrot fish at ang mahalagang bagay na dapat malaman ng mga mangingisda ay ang mga parrot fish na kanilang hinuhuli ay siya ring isda na gumagawa ng white sand. (UnliNews Online)

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

Most Popular

Recent Comments