Friday, December 13, 2024
Amana Water Park
HomeOpinionBulacan 1st DEO past and present District Engineers

Bulacan 1st DEO past and present District Engineers

KAMAKAILAN ay napag-usapan namin ni Louie Angeles, reporter ng DWIZ AM Radio ang First Engineering District Office ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Bulacan. Tinanong ako ni Louie kung kakilala ko ang nakadestinong district engineer sa first engineering district office ng DPWH sa McArthur sa Highway sa barangay Tikay, sa Lungsod ng Malolos na si Engr. Henry Alcantara.

Sinabi ko Kay Louie na hindi ko pa siya nakikilala at hindi pa ako nakakapasok sa kanyang tanggapan mula ng siya ay matalaga sa nasabing engineering district office. Sa newspaper ko lang kako nababasa ang kanyang pangalan kapag may reporter na nagsulat ng news story tungkol sa mga proyektong imprastraktura na pinangangasiwaan ng kanyang tanggapan.

Ang aking point of view sa kolum na ito ay tungkol sa mga district engineer na nanungkulan sa DPWH First Engineering District Office ng sa Bulacan na naging kaibigan ng inyong lingkod at ng iba pang media people na kasabayan ko sa Bulacan, mula pa noong ikalawang bahagi ng dekada 80.

Panahon noon ng Cory administration at ang governor ng Bulacan noon ay si Gov. Roberto M. Pagdanganan. Ang tanggapan ng DPWH First Engineering District Office ay nasa tapat pa ng Camp Alejo Santos, sa capitol compound. Ang DE noon ay si Engr. Saturnino De Leon, na taga-Obando, Bulacan.

Kakaunti pa kasi ang media people noon. Ang madalas kong nakakasamang bumisita sa tanggapan ni Engr. De Leon ay sina Art Sampana, (RIP) ng Philippine Daily Inquirer, Bert Padilla, (RIP) ng Manila Bulletin, Eli Villamoran, (RIP) ng Manila Times at Alex Silva, (RIP) ng People’s Tonight. Dahil kaibigan namin siya, kapag nagdaos ng Kaarawan ang sinoman sa amin ay personal na dumadalo sa okasyon si Engr. De Leon at kapag siya naman ang nag-birthday iniimbitahan din niya kami sa kanyang bahay sa Obando.

Pawang seafoods ang handa na inihahain sa amin ng maybahay ni Engr. De Leon. Nagustuhan ko sa mga putahe na inihain sa amin ay ang kinilaw na yellow fin tuna at enseladang seaweed (lato). Dahil si Eli ay paborito ang hard drink, ipinaghanda siya ni Engr De Leon ng Cognac, samantalang serbesa naman ang sa amin.

Ang sumunod na DE ng engineering district office ay SI Engr. Rogelio Fernando, may edad na si Engr. Fernando noong siya ay matalagang DE. May sense of humor si Engr. Fernando kaya napupuno ng tawanan ang kanyang tanggapan kapag ang media ay siya ay nagpapalitan ng mga kwentong may katatawanan.

Sumunod na DE kay Engr. Fernando si Engr. Contreras. Okey na kaibigan din naman ng media people si Engr. Contreras, pero medyo may pagka istrikto siya. Minsan ay may sinabi akong isyu kay Engr. Contreras, tungkol sa kagagawang road project sa aming lugar na napupulbos. Sinabi sa akin ni Engr. Contreras na reremedyohan na lang ng kontratista ang depektibong kalsada. Hindi ko na rin isinulat ang istorya dahil pinalatagan ng aspalto ng contractor ang kalsada at gumanda pa ang kayarian.

Sumunod na DE ay Engr. Mar Mendiola. Palibhasa ay dating ADE, regular na binibisita ng mga mamamahayag si Engr. Mendiola. Sa paglipat ng tanggapan ng first engineering district office sa McArthur Highway sa Barangay Tikay, Malolos ay doon na rin siya nag opisina. Tulad ng ibang D. Darling of the press din si Engr. Mar Mendiola.

Pagkatapos ng termino ni Engr. Mendiola, Isang ADE rin ang pumalit sa kanya si Engr. Ruel Angeles, na kalaunan ay naging kumpare ko dahil inanak niya sa kasal ang isa kong anak sa kasal. Noong 2018 ay kinuha akong secretary ng aming kapitan sa aming barangay kaya bihira na akong mapagawi sa opisina ni pareng Ruel hanggang sa dumating ang panahon ng pandemya at mula sa panahon ng COVID 19 ay nanatili akong kalihim ng aming barangay at nitong 2022 ay muli akong naging aktibo sa larangan ng pamamahayag pero hindi na basta-basta makapapasok sa opisina ng DE dahil nagbago na ng protocol sa mga bisita mula nang magka-pandemya. (UnliNews Online)

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

Most Popular

Recent Comments