Saturday, December 14, 2024
Amana Water Park
HomeBulacan UnliNewsSanga-Sangang Liwanag ng Kidlat, Dulot ay Kamatayan

Sanga-Sangang Liwanag ng Kidlat, Dulot ay Kamatayan

FEATURE ARTICLE
Ni Manny C. Dela Cruz

LAHAT ng tao ay mulat na sa katotohanan na ang mataas na boltahe ng kidlat ay nakamamatay at matindi ang damage ng puwersa kapag tumama ito sa anomang bagay lalo na sa tao o hayop man kaya ang paksang ito ang tatalakayin ng mga akda upang mabigyang babala ang avid readers nitong UnliNews Newspaper.

Buwan pa lamang ng Mayo ay nagsimula nang makita sa kaitaasan ang sunod-sunod na pagguhit ng kidlat at ang kasunod niyon ay ang pagdagundong ng malalakas na kulog. Nangyayari ang ganitong phenomenon sa tuwinang nabubuo ang kaulapan o rainclouds na tinawag ding thunderstorms.

Mapanganib ang kidlat dahil ang Isang average strike ng kidlat ay umaabot sa 300 milyon ang taglay niyang boltahe. Napakalakas at napakatindi ng taglay na kuryente ng kidlat kaya agad na namamatay ang sinomang tao kapag tinamaan ng kidlat kahit na ang biktma ay nakasilong sa puno habang kumikidlat.

Matatandaan na nitong nakaraang buwan ng Hunyo ay tatlong batang magpipinsan sa Barangay Inaon, Pulilan, Bulacan, ang nasawi makaraang daluyan ng malakas na boltahe ng kuryente ang kanilang mga katawan. Ayon sa report kasalukuyang naliligo sa ulan ang magpipinsan nang makarinig sila ng malakas na kulog. Natakot umano ang tatlong bata at sumilong sa puno ng mangga.

Sa hindi inaasahang pangyayari ay tinamaan umano ng kidlat ang puno ng mangga at ang malakas na boltahe ng kuryente ay gumapang sa katawan ng tatlong bata habang sila ay nakadikit sa puno ng mangga na naging sanhi ng agarang pagkasawi ng mga biktima.

Noong nabubuhay pa si Ernie Baron, lagi siyang nagbibigay ng paalala sa publiko tungkol sa kidlat at kung paano makaiiwas sa panganib na maaaring idulot nito. Ang kidlat anya ay isang electric current na nabubuo kapag may thunderstorm o sama ng panahon.

Nabubuo ang kidlat a loob ng ulap o cumulonimbus clouds (thunderstorm clouds kung tawagin) ay maraming dalang tubig na tumi­timbang ng isang mil­yong tonelada. Kasabay din nito ang pamumuo ng hail storm o maliliit na piraso ng mga yelo na kapag nahipan ng malakas na hangin ay nagkikiskisan ang mga piraso ng yelo sa loob ng makapal na kaulapan kung saan nagkakaroon ng electric charge.

Kapag ang rain clouds ay puno ng electric charge, ang positive charge ay nasa itaas at ang negative charge naman ay nasa ibaba, kaya nagkakaroon din ng electric charge sa lupa tulad ng sanga-sangang liwanag sa kaitaasan na dulot ng malakas na boltahe ng kuryente

Kaya mali ang kaisipan na ang kulog ang nakamamatay at hindi ang kidlat. Pakakatandaan na kapag sumirit ang sunod-sunod na liwanag ng kidlat ay ang malalakas na putok ang kasunod niyon. Hindi naman nagtatagal ang pagkidlat at pagkulog. Karaniwang tumatagal ng 20 minuto hanggang kalahating oras at ang nagpapatuloy ay ang thunderstorms na tumatagal naman ng hanggang tatlong oras.

Ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA, ang bilis o galaw ng kidlat ay hanggang 299,800 KM/second samantalang ang bilis ng tunog ng kulog ay .33 KM/Second. Unang tinatamaan ng kidlat ay ang matataas na lugar o mga istraktura, maging ang mataas na puno. Pero kung ang tao ay nasa bukid o open field. Malaki ang posibilidad na tamaan siya ng kidlat dahil siya lamang ang mataas sa lugar.

Kaya ipinayo ng PAGASA sa publiko na kapag may thunderstorms o masamang panahon at may kasamang pagkidlat ay mabuting manatili na lamang sa loob ng bahay o sa ligtas na saradong lugar tulad ng gusali. Umiwas ding lumapit sa mga tubong-bakal na dinaraanan ng tubig. Iwasan din ang paggamit ng gadgets at anomang electrical devices at mga kable at umiwas ding lumapit sa mga bintana kapag kumikidlat.

Ang cellphone ay isang electrical device, may charge at may battery. Mayroon din itong metal component kaya prone sa kidlat ang ganitong bagay.

Ang boltahe ng kidlat (cloud to ground o mula ulap hanggang lupa) ay maaaring umabot sa maraming boltahe ng elektrisidad kaya maaari itong makamatay.

Hindi naman lahat ng tinamaan ng kidlat ay namamatay. Gayunman kailangan pa ring mag-ingat dahil hindi ka man mamatay sa tama ng kidlat ay maaaring mag-iwan ito ng pinsala sa internal organs tulad ng puso at respiratory system at posible ring magka-damage ang mga bato (kidneys) o ang atay.

Ayon pa sa mga eksperto, marami sa mga nakaligtas sa kidlat ay dumaranas naman ng matinding epekto nito katulad ng pagkawala ng memorya, pagkahilo, panghihina, pamamanhid, at iba pa.

Maiiwasan din naman ang pagtama ng kidlat. Ang pagdikit ang mga sakong o naka-inverted letter V ang heels. Sa ganitong paraan, ang kuryente ay hindi papasok sa katawan pero dadaan lamang ito sa isang sakong at lalabas naman sa kabila. Kapag sigurado nang wala ng kidlat ay maghanap na o tumakbo na sa lugar na puwedeng masilungan.

Manatili sa loob ng bahay o gusali kung saan mas ligtas. Kapag kumikidlat ay iwasang humawak sa puno. May maagang tanda ng pagtama ng kidlat sa lupa na hindi dapat balewalain.

Maging alerto kapag nakita ang mabilis na pamumuo ng cumulonimbus clouds. Hindi laging sa maaraw na kalangitan lamang makikita ang cumulonimbus clouds. Ito kasi ang unang stage ng pamumuo ng thunderstorm. Kapag nakita na ito ay agad nang maghanap ng mapupuntahang ligtas na lugar lalo na kung ikaw ay nasa open place.

Agad na mararamdaman na lumalakas ang hangin at dumidilim ang kalangitan. Tanda ito na paparating na sama ng panahon o sigwa at posible ang pag-ulan, pagkulog, at pagkidlat. Sa radyo TV at Internet ay nagbibigay ng babala ang weather bureau tulad ng PAGASA, kaya dapat na maging alerto sa kanilang mga pahatid-balita kapag masungit ang lagay ng panahon. (UnliNews Online)

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

Most Popular

Recent Comments