Saturday, December 14, 2024
Amana Water Park
HomeOpinionAUTHOR'S VIEWPOINTMas matindi ang ‘Health Inflation’ - Solon

Mas matindi ang ‘Health Inflation’ – Solon

KUNG ramdam ng sambayanang Pilipino, partikular ang mga kababayan natin na nasa laylayan ng lipunan ang food inflation, lalo namang nararamdaman ng maraming Pilipino itong tinatawag na ‘health inflation’ at gaano kahalaga ang ayuda ng gobyerno sa problemang pangkalusugan ng ating bansa

Ano na kaya ang tulong na nagagawa ng PhilHealth para sa mga kababayan natin na higit na nangangailangan ng tulong medikal dahil hindi biro ang magkasakit sa panahong ito na mahal ang halaga ng gamot at serbisyo ng duktor, dagdag pa rito ang bayad sa hospital room at mga diagnostic test.

Sa isang pahayag ni Agri-Party List Rep. Wilbert Lee, na lumabas sa isang social media platform, taun-anya ay tumataas ang health Inflation. “Ganito yan. Kung sa private room ng ospital ay nagbabayad ka ng sanlibong piso kada araw, sa susunod na taon ay one thousand two hundred na ang babayaran mo. Kasabay niyon ang pagtaas ng medical services tulad ng bayad sa duktor at bayad sa diagnostic test tulad ng MRI, 3D Echo, CT Scan, Angiogram, etch.”

Ibinunyag din ni Rep. Lee na ang Philhealth anya ay maraming pondo samantalang maraming Pilipinong maysakit ang hindi nakakatanggap ng full support sa nasabing health insurance. “Alam ba ninyo na napakayaman pala ng Philhealth? Alam din ba ninyo na aabot sa P446 bilyon ang pondo ng ahensiya na nakadeposito sa bangko at naka-invest sa iba’t ibang institusyon?” Ayon kay Lee.

Sinabi pa ng mambabatas na taun-taon ay nagbibigay ng subsidy ang pamahalaan sa PhilHealth upang ang mga senior citizens at iba pang Pilipino na hindi na kayang magbayad ng buwanang hulog ay may pondong laan para sa kanila. “Ang pamahalaan ay nagbibigay ng P100 bilyon subsidiya sa PhilHealth taun-taon para sa mga indigent Filipino (senior citizen, atbp) na wala nang kakayahang magbayad ng membership at iyan ay galing sa sin taxes o koleksyon sa buwis sa alak at sigarilyo.”

Ibinunyag din ni Lee na ang PhilHealth noong nakaraang taon ay kumita ang ahensiya ng P173 bilyon sa investment. “Kaya sinabi ko sa PhilHealth na hindi dapat na idinedeposito ang pera ng ahensiya sa bangko. Ang pera ng PhilHealth ay hindi nakaalolasyon para tumubo at kumita kungdi para gamitin ang pera ng PhilHealth sa pagpapalawak ng serbisyo para sa mga mamamayan.” Sabi ni Lee.

Hinimok din umano ni Lee ang PhilHealth na taasan ng 30% ang serbisyong ibinibigay sa mga mga Pilipinong miyembro at naging epektibo naman anya ang nasabing karagdagan simula noong Pebrero 14 ng taong kasalukuyan. Patuloy umano niyang sinisikap na maibigay ng PhilHealth sa mamamayan ang full service partikular ang mga pasyenteng maysakit ng kanser, (ayon sa uri) nagda-dialysis at iba pang pasyenteng nangangailangan ng tiyak at kumpletong serbisyong medikal.

Ang gobyerno umano na nagkakaloob ng libreng serbisyong medikal tulad ng PhilHealth ay hindi negosyante na gagamitin ang salaping pantulong para tumubo at mapalago ang pondong pangkawanggawa kungdi ito ay gagastusin at gagamitin sa pagpapabuti ng ahensiya upang maipaabot ang nararapat na tulong para sa mga kababayan natin na higit na nangangailangan ng libreng serbisyong medikal, ayon pa kay Rep. Lee. (UnliNews Online)

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

Most Popular

Recent Comments