NAKAKA-ALARMA na ang presencya ng mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) dito sa ating bansa. Pati mga residente ng exclusive subdivisions gaya ng Ayala Alabang Village sa Muntinlupa ay nababahala sa mga balitang may naka-penetrate na POGOs sa kanilang village.
Nagkaisa ang mga residente dito na mag-ingay at tutulan ang pamamalagi ng offshore gaming sa kanilang lugar. Sa gate ng village ay may naka-paskel na tarpauline na may mensaheng “NO POGO, NO BODYGUARDS, NO GAMBLING”.
Nagmula ito dahil sa awayan nang mga bodyguards sa Balayan st. ng village ay napag-alaman na kasama dito ang mga aktibong sundalo ng Special Action Force (SAF) na nanggaling pa sa Zamboanga at nagsisilbing mga tagabantay ng foreign residents ng Ayala Alabang.
Ang ganitong aksyon ng mga residente ay isang hudyat na ayaw nila ang ganitong kalakaran sa kanilang tahimik na lugar. Ang ibang kabahayan ay naglagay din ng tarps sa harap ng kanilang bahay.
Bakit may nakalusot na “undersirable aliens” na maniraan sa exclusive village na ito? Particularly mga Chinese nationals?
Ang lugar na ito ay isang upper-class residential na komunidad at maituturing na mataas ang sekuridad. Na-penetrate ng POGO operators ang village na ito dahil hindi mainit sa mata at hindi mapag-hihinalaang may mga kababalaghang nangyayari sa loob.
Gumagamit ng pinoy ‘dummies’ sa ilalim ng isang korporasyon ang kadalasang nangungupahan dito at ang upahan sa ganitong residential village ay umaabot sa kalahating milyon kada buwan at obligadong mag-advance payment ng isang taon.
Mangangailangan ng napakalaking puhunan ang kailangan para makabili ng property dito. Saan mangagaling ang pera? At sino naman ang tatanggi sa ibabayad bilang ‘dummies’, aber?
Marami ding lugar ang may mga kwestyunableng presensya ng POGO, andyan ang mga condos’ sa MOA area at Macapagal Ave., Libis Q.C., Pampanga, tarlac at iba pa. May mga nalalathala sa mga balita na nangyayaring karumal- dumal na krimen sa kasalukuyan.
Kamakailan ay may nasakote ang NBI ng 11 na foreigners na nasangkot sa sugalan at nakuhanan ng hindi lisensyadong mga armas. May insidente rin na nakidnap at pinaslang ang anim na biktimang dayuhan kasama ang isang bata at mga putol-putol na bangkay sa probinsya ng Rizal at Quezon. Ang ganitong kaganapan sa bansa ay nakababahala at nakaaalarma na.
Bukod sa POGO operations ay ginagawa na din itong hide- out ng pagawaan ng ipinagbabawal na gamot o ‘shabu’ Laboratory. Sa pagdami ng mga Chinese aliens na nandito sa ating bansa, hindi kaya isa ito sa estratehiya na magtanim ng ‘spy’ at magtago bilang POGO personnel? (UnliNews Online)