MAGSASANIB-PWERSA ang Pamahalaang Lungsod ng Malolos at programang INQskwela ng Philippine Daily Inquirer upang mas lalong pataasin ang antas at kalidad ng edukasyon.
Isang Memorandum of Agreement ng Department of Education Malolos, Philippine Daily Inquirer, Inc, Inquirer Foundation Corporation at Pamahalaang Lungsod ng Malolos sa pangunguna ni Mayor Christian D. Natividad ang nilagdaan sa bagong City Hall sa Barangay Bulihan, kamakailan.
Hangad ng kasunduang ito ang pataasin ang antas at kalidad ng edukasyon sa pamamagitan ng pagbabasa, kritikal na pagiisip at kaalaman sa mga pangkasalukuyang pangyayari para sa mga estudyante at maging sa kanilang mga guro.
Layunin din ng kasunduang ito ang mabigyang pagkakataon ang mga guro na magamit ang InqPlus digital version ng pahayagan bilang supplemental learning aid sa pagtututuro ng Araling Panlipunan, English at Journalism subjects.
Makikinabang sa naturang programa ang nasa kabuuang bilang na 57 pampublikong mataas na paaralan sa lungsod.
Dumalo sa nasabing MOA Signing ang mga kawani ng Philippine Daily Inquirer na sina Carmela Reyes Estrope, Correspondent; Akiko Quijano, Sr. Business Dev’t Officer; Dheza Paras, Marketing Director; Roy Raul Mendiola, National Sales Manager; at Connie R Kalagayan, Executive Director.
Dumalo din sa naturang ceremonial signing sina Leilani S Cunanan, School Division Superintendent Department of Education Malolos, City Legal Officer Atty. Cyrus Paul Valenzuela, at City Administrator Joel Eugenio.
Ang INQskwela ay isang social responsibility initiative na idinisenyo upang pahusayin ang edukasyonal na performance ng mga estudyanteng Filipino, partikular sa reading comprehension, science, at mathematics, na sinusukat ng global assessments. Binibigyang-diin ng programa ang pag-unlad ng mga kasanayan sa pagbasa ng mga mag-aaral, kritikal na pag-iisip, at kamalayan sa mga kasalukuyang kaganapan. (UnliNews Online)