LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ipagawa sa mga magiging bagong benepisyaryo ng Tulong Pangkabuhayan sa Ating mga Disadvantaged/displaced workers o TUPAD ng Department of Labor and Employment (DOLE), ang mga organic booms upang mapigilang kumalat hanggang sa Bulacan ang oil spill sa Manila Bay.
Matatandaan na nagsimula ang naturang oil spill nang lumubog sa Manila Bay na sakop ng Bataan ang barkong MT Terra Nova. May lulan ito na 1.4 milyong litro ng industrial fuel nang lumubog sa kasagsagan ng paghagupit ng bagyong Carina.
Ipinaliwanag ng pangulo na mainam na gamitin ang pwersa, husay at galing ng mga benepisyaryo ng TUPAD, dahil malaki ang magugugol ng pamahalaan kung bibili ng mga commercial booms. Ang TUPAD ay isang emergency employment program ng DOLE upang mabigyan ng panimulang puhunan ang mga nawalan o walang trabaho.
Ayon kay DOLE Secretary Bienvenido Laguesma, aabot sa P176 milyon ang bagong inilaan na pondo para sa TUPAD sa Gitnang Luzon. Makikinabang dito ang nasa humigit kumulang 40 hanggang 50 libong indibidwal sa mga kanayunan.
Kaya’t inatasan ni Pangulong Marcos ang mga gobernador na sina Daniel Fernando ng Bulacan, Dennis Pineda ng Pampanga at Joet Garcia ng Bataan na simulan nang mangalap na ng mga pinabalatan ng niyog, dayami at talahib upang maging hilaw na materyales sa paggawa ng organic booms na pipigil sa oil spill.
Target ng mga gobernador na pagtulungang humakot ng nasabing mga materyales kung saan may malalawak na plantasyon ng Niyog gaya sa mga lalawigan ng Aurora at Quezon.
Tiniyak naman ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga na tutulong ang ahensiya upang maturuan ang nasabing mga benepisyaryo ng TUPAD sa paggawa ng organic boom.
Makatwiran aniya na magawa ito sa lalong madaling panahon upang maiwasan na tuluyan itong umabot sa mga lalawigan ng Pampanga, Bulacan at Cavite. Base sa mga imahe ng Philippine Space Agency na iprinisinta ng kalihim, lumalapit na sa dalampasigan ng Bulacan ang oil spill.
Kaugnay nito, ipinag-utos din ng Pangulong Marcos na magkaroon na agad ng early-harvest sa mga palaisdaan na nasa dalampasigan ng Pampanga at Bulacan bilang preventive measures. Mas mainam na aniyang makuha ito kahit na maliliit pa ang mga isda o anumang anyong tubig na inaalagaan doon, kaysa mabalot ng langis at tuluyang hindi pakinabangan.
Gayundin ang pagbibigay ng direktiba kay Department of National Defense (DND) Secretary Gilbert Teodoro na bumuo ng isang task force na pangungunahan ng Office of the Civil Defense (OCD), upang matiyak na lahat ng mga ipinangako, pinagkasunduan at napag-usapan para mapigil ang oil spill ay matupad. (UnliNews Online)
Source: PIA Bulacan