LUNGSOD NG MALOLOS — Sinimulan na ni Gobernador Daniel R. Fernando katuwang si Bise Gobernador Alex Castro ang personal na pamamahagi ng relief goods sa mga Bulakenyong naapektuhan ng Bagyong Carina na pinalakas ng Hanging Habagat.
May kabuuang 718 indibidwal o 199 pamilya mula sa mga Barangay ng Malis, Ilang-Ilang, Tuktukan, Sta. Rita, Tiaong, at Sta. Cruz sa Guiguinto ang una nang nakatanggap ng relief goods mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pangunguna ni Fernando at Bise Gob. Alexis C. Castro.
Nagdala rin siya ng tulong sa Brgy. Pandayan at Calvario sa Lungsod ng Meycauayan, at Brgy. Pio Cruzcosa sa Calumpit.
“Ang mahalaga po ngayon ay mabigyan natin ng pagkain ‘yung mga nasa evacuation center at ibang mga nasa bahay pa na may tubig. Humingi na po tayo ng assistance sa DSWD para sa food packs, at gayundin, and Provincial Government ay magbibigay tayo ng sa iba’t ibang bayan at siyudad lalawigan,” anang gobernador at Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council Chairman sa kanilang pagpupulong kahapon.
Ayon sa pinakabagong datos mula sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ngayong 8:00 ng umaga ng Hulyo 26, 185 barangay mula sa tatlong lungsod at 12 bayan ang apektado pa rin ng isa hanggang limang talampakang tubig baha, at 29,938 katao o 10,024 pamilya ang pansamantalang sumilong sa iba’t ibang evacuation areas sa buong lalawigan.
Samantala, madadaanan na ang lahat ng pangunahing daan sa Bulacan ngunit pinapayuhan ang mga motorista na mag-ingat sa pagbaybay sa mga minor at inner road dahil sa baha sa mga bahagi ng lalawigan.
Dahil sa hagupit ng bagyo, nagtala ang buong lalawigan ng tinatayang halaga ng pinsala na P789 milyon sa imprastraktura; P81,200,649.69 sa agrikultura at pangisdaan; at P955,100 sa livestock at poultry. (UnliNews On line)