MANILA — Apat na komunidad sa Metro Manila at kalapit na mga lalawigan ay nabigyan ng bagong pag-asa nang maglunsad ang mga tanggapan nina Senador Alan Peter at Pia Cayetano ng serye ng mga relief operation upang suportahan ang mga naapektuhan ng super typhoon Carina.
Nitong Biyernes (Agosto 2) may kabuuang 1,150 grocery packs ang ipinamahagi ng Cayetano team sa mga beneficiary sa Valenzuela City (200), Quezon City (150), Province of Laguna (150), Meycauayan City (300), Paombong (300) sa probinsya ng Bulacan, at Antipolo sa probinsya ng Rizal (50) bilang tulong sa mga naapektuhan ng kalamidad.

Kasabay nito, namigay din ng kabuuang 350 hot meals ang Cayetano team para sa mga frontliner at volunteers sa pamamahagi ng tulong sa Valenzuela City (20), Quezon City (20), Manila City (100 para sa mga health center sa Sampaloc; 75 para sa mga fire volunteer at sa Bureau of Fire Protection Sampaloc Station ), at sa 12th Civil-Military Operation Battalion sa Camp Aguinaldo sa Quezon City (75).
Ang lahat ng ito ay pinakilos bilang bahagi ng adbokasiya ng magkapatid na Cayetano sa paglikha ng Emergency Response Department (ERD).
Ang ERD Act o Senate Bill No. 66 ay isa sa mga panukalang inihain ni Senador Alan Peter Cayetano nitong 19th Congress. Naglalayon itong pag-isahin ang aksyon ng gobyerno para pahusayin ang disaster resilience, dahil na rin sa mataas na vulnerability ng bansa sa natural calamities at epekto ng climate change.
Nitong nanalasa ang super typhoon Carina sa buong Luzon noong July 24, muling nanawagan ang senador sa pagtatatag ng ERD.
Ito ay matapos magdulot ng malawakang pagbaha sa Metro Manila at mga kalapit na lalawigan si Carina.
Habang ang panukala ay nakabinbin sa pagpasa, nananatili ang mga Cayetano na nakatuon sa paghahatid ng agarang tulong at suporta sa mga lugar na naapektuhan ng kalamidad sa pamamagitan ng mga operasyon ng ERD, na nagbibigay ng tulong at pagpapanumbalik ng pag-asa sa mga komunidad na nahaharap sa mga krisis. (UnliNews Online)