LUNGSOD NG MALOLOS — Sa isinagawang joint inspection, monitoring at data gathering ng Bulacan Incident Management Team (IMT), at pamahalaang lokal ng Malolos noong Thursday (Aug. 8), ligtas umanong kainin ang mga isdang ibinebenta sa pamilihang bayan, konsignasyon, at punduhan sa lungsod, sa kabila ng pagkakaroon ng oil spill sa Bataan kamakailan.
Kabilang sa mga nag-inspeksyon sina Erica Vanessa L. Bulaong, Aquaculturist I, Joshua A. De Ocampo Aquaculturist II, kinatawan ng PDRRMO Darryl Villanda, Environmental Management Specialist II Anne Cuaderno, CENRO-OIC Amiel S. Cruz, at LDRRMO IV Kathrina Pia Pedro.
Bukod sa pagsusuring ito, nagkaroon na din ng pagdinig noong ika-5 ng Agosto, upang talakayin ang naging kahandaan at pagtugon ng lungsod sa Bagyong Carina, maging ang nangyaring oil spill sa Limay, Bataan.
Dito inihayag ni Cruz, ang kanilang naging pakikipag-ugnayan sa DENR Region III ukol sa paglalagay ng oil spill boom upang mapigilan ang pagkalat ng langis sa mga anyong tubig na sakop ng lungsod.
Matatandaang noong ika-25 ng Hulyo, lumubog ang MT Terra Nova sa Bataan. Bilang tugon ay agad na lumikha ng Task Force MT Terra Nova si Punong Lungsod Abgdo. Christian D. Natividad sa bisa ng Executive Order No. 035 s. 2024. (UnliNews Online)