LUNGSOD NG MALOLOS — Mas pinalaki at maaliwalas ang bagong gawang Pamilihang Bayan ng Bulakan habang nagsimula na ang partial operation nito kamakailan.
Ang mas malaking palengke na tinawag ngayong Bulakan Central Market ay isinakatuparan sa pamamagitan ng sistemang Built-Operate-Transfer (BOT).
Ayon kay Market Master Officer-in-Charge April Jose, wala na ang masangsang na amoy at nawala ang baho dahil sa mataas na bubong at bukas na kisame na nagbibigay ng natural ventilation.
Base naman sa ginawang validation para sa taunang Huwarang Palengke Award na pinangunahan ng Department of Trade and Industry (DTI), iniulat ni Jose na ang pagpapabuti sa kalagayan at kalidad ng mga pasilidad ng naturang palengke ay isang mekanismo ng Public-Private Partnership (PPP) kung saan ipinagkakaloob ng pamahalaan ang konsesyon sa isang kwalipikado na pribadong kompanya para mamuhunan sa pagtatayo at pagpapatakbo ng isang pasilisad sa loob ng isang concessional period.
Pagkatapos ng panahon ng konsesyon, ililipat o isasauli na ito sa pamahalaan upang patuloy nang pangasiwaan.
Dagdag pa ng markey master, mula sa pagkakaroon ng 450 na mga pwesto sa dating anyo ng palengke, magiging 670 na ito. Prayoridad dito ang mga dati nang may pwesto na makakaranas ng hindi pagtataas ng upa sa unang limang taon ng 25 taong konsesyon. (UnliNews Online)
Source: Shane F. Velasco/PIA Bulacan
Larawan mula kay Shane F. Velasco