Ni Allan Casipit
CALUMPIT, Bulacan — Nasa 2,000 pamilya na lubhang naapektuhan ng Bagyong Carina at hanging habagat na nagdulot ng malawakang pagbaha ang tumanggap ng “food packs” mula sa inisyatibo ni Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. at sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) noong Friday (Aug. 9).
Tuwang-tuwa na sinalubong ang magiting na senador ng mga Calumpiteño
sa pangunguna ni Mayor Lem Faustino, Vice Mayor Zacarias C. Candelaria at mga miyembro ng Sangguniang Bayan at mga kapitan ng barangay.
Sa maikling pananalita ni Sen. Revilla, sinabi nito na mula sa kahilingan ni Mayor Faustino ay nangako itong maglalaan ng P5 milyong piso para sa Tulong Panghanapbuhay sa ating Disadvantaged/Displaced workers o TUPAD at P5 milyon piso naman para sa Assistance to Individuals in Crisis Situation o AICS.
Naibahagi rin ng senador na tatanggap ng halagang P10 libong piso ang mga senior citizen na may edad 80 anyos hanggang 95 anyos sa susunod na taon na magsisimula umano sa March 2025.
Masayang ibinalita rin ng senador na iminungkahi rin nito sa Senado na ibaba sa edad na 56 ang isang senior citizen upang makakuha ng mga benipisyo sa mga gamot at iba pang nakapaloob sa Centenarian Act of 2016,
“At kung maaari ay itataas ko sa halagang P1 milyong piso ang matatanggap ng isang senior citizen na umabot sa edad 100 taon dahil sa kunti na lang umano ang ang umaabot sa ganitong edad,” ani Sen. Revilla.
Hindi naman magkamayaw sa galak ang mga Calumpiteño dahil sa pagdalaw ng guwapong senador sa bayan ng Calumpit.
Ayon nga sa isang residente ng naturang bayan na si Aling Metring, hindi lang pala mabait at pogi si Sen. Revilla, maasahan din ito at handang tumulong sa oras ng pangangailangan. Salamat Sen. Bong. Salamat sa hatid mong tulong.
Maliban sa bayan ng Calumpit, nagdala rin ng “ayuda” si Sen. Revilla sa lungsod ng Malolos, at mga bayan ng Paombong, Hagonoy, at Plaridel. (UnliNews Online)