LUNGSOD NG MALOLOS — Isinagawa kamakailan ang paglagda sa isang Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan at ARTBI Global Philippine Corporation na magbibigay ng libreng pampublikong WIFI o wireless fidelity sa lalawigan ng Bulacan.
Ang proyekto ay naglalayong magbigay ng libreng WIFI connection sa buong lalawigan, sa paligid ng mga munisipyo, barangay hall, na magpapalakas at magpapalawak ng internet services sa bawat bayan at lungsod.

Mabebenepisyuhan ng proyektong ito ang 570 Barangay mula sa 20 munisipalidad na nasasakop ng ating lalawigan. Sa pamamagitan nito ay mapabibilis ang mga online transactions ng ating mga kababayang Bulakenyo.
Saksi sa makabuluhang programang ito sina Gob. Daniel R. Fernando, Bise Gob. Alex Castro, mga kasapi ng Sangguniang Panlalawigan na sina Bokal Lee Edward Nicolas, Liberato Sembrano, Ramilito Capistrano, Richard Roque, at Cezar Mendoza.
Sama-sama nating itaguyod ang mas abot-kamay na internet para sa lahat ng Bulakenyo! #BulacanFreeWiFi #ConnectivityForAll. (UnliNews Online)