MAITUTURING na pinakadakilang atleta sa kasaysayan ng Filipino gymnastics si Carlos Yulo. Sa kanyang pagkaka-kopo ng medalyang ginto sa Paris Olympics 2024’ ay maituturing na siya ay isang bayani sa ating bansa at deserve niya ito.
Sapat na ang isang ginto na kanyang nakuha para mailagay ang kanyang pangalan para tingalain bilang isang mahusay na atleta ng bansa pero ito ay kanyang nahigitan ng makopo niya ang pangalawang gintong medalya mula sa artistic gymnastic competition. Mahirap nang ma-record break ang ganitong tagumpay.
Binigyan ni Yulo ang malaking karangalan ng bansa sa gitna ng maingay na bangayan sa pulitika ng bansa at ang nakapanlulumong kalagayan sa ekonomiya sanhi ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at bayarin sa kuryente at tubig. Sa pagkakapanalo ni Yulo ay naibsan bahagya ang hirap na dinadanas ng ordinaryong Pinoy.
Maingay ang social media sa mga kaganapan sa Paris 2024 Olympics lalo na ang antisipasyon sa pag-salubong kay Carlos Yulo at iba pang atletang Pinoy para ipagbunyi ang kanilang tagumpay. Sumabak ang Pilipinas sa Olympic competitions may 100 taon na ang nakararaan. Taong 1924 noong unang nagpadala nang atleta ang bansa na ginanap din sa Paris, France ang Olympiad. Isang malaking karangalan para ipagbunyi ng bansa ang tagumpay ni Carlos Yulo at iba pang Pinoy na manlalaro sa nasabing kompetisyon.
Nahigitan pa ang 2021 Tokyo Olympics sa pagkakakopo ng ating mga atleta ng 4 na medalya sa Paris. Sa ngayon ay may 22 total na medalya na ang naipon ang ating mga manlalaro at tinatayang 18 percent sa overall standing.
Ang ganitong performance ay nagpapatunay lamang na ang Pinoy Athletes ay may ibubuga sa international sports competition kung may tamang programa at suporta mula sa mga kinauukulan.
Malaking kontribusyon ang tiyaga at alaga ni Ms. Cynthia Carreon sa tagumpay ni Carlos Yulo at nang iba pang atleta dahil sa kanyang dedikasyon at kalinga sa mga atletang gaya ni Carlos.
Mabuhay ka Carlos Yulo, Mabuhay ang Atletang Pinoy! (UnliNews Online)