Sunday, July 7, 2024
Amana Water Park
HomeNational NewsDA, aagapay sa Youth Farmers ng Bulacan

DA, aagapay sa Youth Farmers ng Bulacan

LUNGSOD NG MALOLOS — Aagapay ang Department of Agriculture o DA sa mga kabataang Bulakenyong magsasaka na maitinda ang kani-kanilang mga likhang produkto sa mas malalaking merkado.

Iyan ang tiniyak ni DA Assistant Secretary Kristine Evangelista sa ginanap na diyalogo sa 10 na inisyal na benepisyaryo ng Youth Farmers Challenge o YFC program na ginanap sa lungsod ng Malolos.

Isa itong pangunahing programa ng tanggapan ni Senador Imee Marcos upang isulong na maraming kabataan ang mahikayat na subukan ang industriya ng pagsasaka bilang isang propesyon at hanapbuhay.

May halagang 550 libong piso ang naipagkaloob sa kanila ng tanggapan ng senadora upang makapagsimula noong mga 2021 at 2022.

Makalipas ng halos dalawang taon, higit pa sa doble ang kinita ng nasabing 10 mga kabataan sa ilalim ng YFC.

Pinakamalaking kinita si Norhaya Demacaling ng Angat. Ang puhunang 50 libong piso mula sa YFC ay napalago niya sa halagang isang milyong piso dahil sa matagumpay na produksiyon at marketing strategy sa kanyang mga tanim ng na high value commercial crop, pagpaparami ng mga baboy at manok, at paggawa ng sariling pataba at binhi.

Si Gerome Santiago ng Plaridel ay piniling magkaroon ng negosyo na may kinalaman sa pagbo-Bonsai mula sa seedling, production at edible landscaping.

Napalago niya ang 50 libong pisong panimulang puhunan mula sa YFC sa 180 libong piso na kita.

Lumago naman sa 420 libong piso ang kinita ni Angeline Fraginal ng San Jose Del Monte City mula sa 100 libong pisong puhunan na ipinagkaloob ng YFC.

Ginamit ito upang makagawa at makapagtinda ng mga honey, atsara, mushroom variety, chicharon, tocino, tapa at fruit bag.

Sa Gawad Kalinga Enhanted Farm sa bayan ng Angat, natulungan ng puhunang 100 libong piso ang mga kabataang magsasakang sina Robert John Castor, Kenn Johnson Pedral at si Maria Cristina Calvadores.

Sila ay natutong magproseso ng Seche Tomato mula sa mga tanim na Kamatis at Feta Cheese kung saan kumita ng 107.4 libong piso.

Matagumpay ding nakapagparami ng mga kuneho, kambing, baboy, manok at mga Itlog si Mark Jay Silverio ng Angat na kumita ng 70 libong piso mula sa 50 libong pisong puhunan.

Pinayuhan naman ni Senador Marcos si Silverio na mas tutukan ang pagpaparami ng Kambing dahil mataas ang demand at orders ng mga restaurants na naghahain ng potaheng kaldereta.

Nadoble ni Christian De Jesus ng Pulilan ang 50 libong pisong ibinigay ng YFC sa 110 libong piso na kita dahil sa matagumpay na pagpaparami ng Fresh Oyster Mushroom.

Malaki naman ang naging bentahe ng kangkong chips at noodles na gawa ni Rieca Bustamante ng Bocaue kung saan napalago niya sa 98 libong piso ang 50 libong pisong puhunan na ibinigay ng YFC.

Nagsisimula naman nang makilala si John Paul Donayre ng Plaridel sa paggawa ng tahong gourmet at bangus sardines na nakatamo ng 50 libong pisong puhunan.

 Gayundin si Robert Ramos ng Calumpit na tatlong beses nang kumikita ng 20 libong piso dahil sa malakas na produksiyon ng iba’t ibang uri ng Hipon.

Kaugnay nito, inatasan ni Senador Marcos ang DA na bukod sa paglalatag ng matibay na market linkages para sa mga kabataang magsasaka na benepisyaryo ng YFC, na kailangan ding makakapagsuplay ang mga ito sa mga itinalagang Kadiwa Center. (UnliNews Online)

Source: PIA Bulacan 

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

Most Popular

Recent Comments