LUNGSOD NG MALOLOS — Humigit kumulang 328,000 batang Bulakenyo ang target mabakunahan laban sa tigdas-hangin at polio simula ngayong Mayo.
Bahagi ito ng kampanyang Chikiting Ligtas ng Department of Health o DOH kung saan magbibigay ng Measles Rubella-Oral Polio Vaccine o OPV Supplemental Immunization kasunod ng pagkakaroon ng outbreak sa nasabing mga sakit.
Ayon kay Provincial Health Office o PHO spokesperson Patricia Alvaro, nasa 280,614 na mga batang Bulakenyo edad siyam hanggang 59 na buwan ang target na maturukan ng bakuna laban sa tigdas-hangin at mapatakan din ng bakuna laban naman sa polio.
Samantala, 47,892 na mga batang Bulakenyo na mula sa mga bagong panganak hanggang walong buwan ang bibigyan ng OPV lamang.
Ang nasabing mga bilang ay katumbas ng 95 porsyento ng populasyon ng mga bata sa Bulacan.
Ipinaliwanag ni Alvaro na kabilang sa mga istratehiya ng pagpapatupad ng malawakang pagbabakuna ay ang pagbabahay-bahay at fix-post vaccination o ang pagsasagawa sa iisang venue kung saan titipunin ang mga bata.
Aabot sa 657 vaccination team ang binuo ng PHO upang magsagawa ng pagbabakuna sa bawat purok at sitio sa kabuuang 569 barangay.
Binubuo ng apat na indibidwal ang kada team na kinabibilangan ng otorisadong bakunador gaya ng mga nar o sinumang medical professional na pahihintulutan ng DOH, Barangay Health Worker, Lingkod Lingap sa Nayon at kinatawan mula sa pamahalaang barangay.
Sasabayan ng pagbibigay ng Vitamin A ang nasabing pagbabakuna.
Taong 2020 pa nang huling nagsagawa ng malawakang pagbabakuna laban sa tigdas-hangin at polio sa Bulacan sa kasagsagan na unang tumama ang pandemya.
Kaya’t ngayong lumuwag na ang mga restriction laban sa COVID-19, ito na ang pinakamainam na pagkakataon upang makapagpatuloy sa pagbibigay ng supplemental immunization laban sa tigdas-hangin at polio na karaniwang ibinibigay kada tatlong taon.
Ang tigdas-hangin ay isang singaw na lumalabas sa katawan ng isang bata na nakukuha sa nalalanghap na hangin. Pangunahin sa mga sintomas nito ang pagkakaroon ng lagnat na sinasabayan ng ubo at sipon, pamamantal ng balat at pagkakaroon ng mga peklat sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
May kinalaman naman sa hygiene o kalinisan sa pangangatawan, kapaligiran, kinakain at naiinom na tubig ang pagkakaroon ng sakit na polio.
Ang taong tinatamaan nito ay nagkakaroon ng epekto sa kanyang spinal cord na nagiging dahilan ng pagkaparalisa.
Parehong nakakahawa ang nasabing mga sakit kung saan ang pagkakaroon ng bakuna ang nagsisilbing pangunahing solusyon upang maging matatag ang pangangatawan at resistensiya laban dito.
Kaugnay nito, katuwang ng DOH ang United Nations Children’s Fund kung saan nagkaloob ito ng isang Cold Room Facility sa PHO.
Matatagpuan ito sa bagong tayo na dalawang palapag na gusali na nasa likod ng Bulacan Medical Center o BMC sa Malolos. Kaya nitong maglulan ng nasa limang libong vials ng mga bakuna.
Samantala, magbabantay ang World Health Organization sa isasagawang bakunahan upang matiyak na matatamo ang target na mabakunahang bata laban sa Tigdas-Hangin at Polio.
Tinatayang aabot sa buwan ng Hunyo 2023 ang nasabing pagbabakuna. (UnliNews Online)
Source: PIA Bulacan