PANDI — Makaraang kilalanin ng Department of Health (DOH) Central Luzon Regional Blood Center ang lokal na Pamahalaan ng Pandi, bilang Numero 1 sa gumaganap na local government unit sa Bulacan sa blood donation program sa Sandugo Awarding Ceremony kamakailan, muli na namang itinanghal at kinilala ang Pandi bilang nangungunang munisipalidad sa nutrition program sa buong lalawigan.
Malugod na tinanggap ni Mayor Enrico Roque ang parangal, at sinabing ito ay isang malaking karangalan.
“Isang malaking karangalan para sa atin na kilalanin bilang Number 1 Natatanging Bayan sa Nutrisyon sa buong lalawigan. Bunga ito ng ating sama-samang pagsisikap at malasakit para sa mas malusog at masiglang Pandi—mula sa mga programang pangkalusugan hanggang sa tamang nutrisyon ng bawat pamilya,” saad ni Mayor Roque.
Sa iginawad na plake ng pagkilala at pagpapahalaga, na nilagdaan nina Rowena J. Tiongson, Pinuno ng Tanggapan ng Provincial Social Welfare and Development Office at Gobernador Daniel R. Fernando, nakasaad dito na ang “Pandi ang Pinakanatatanging Bayan sa Nutrisyon sa Lalawigan ng Bulacan sa taong 2023 dahil sa pagsasakatuparan ng Pambayang Lupon sa Nutrisyon ng mga programang tumutugon sa pangangailangan ng nakararaming sektor lalo’t higit sa mga bata at kababaihan, maparaang pagkalap at paggugol ng pondo, pakikipagtambalan sa pribadong grupo at pagsusulong sa mgas barangay at volunteer tungo sa makabuluhang pagtaas ng antas ng nutrisyon.”
Binigyan din ng alkalde ng espesyal na pasasalamat si Ma’am Jophen Raulo, ang Natatanging Pambayang Tagapagpaganap sa Nutrisyon.
“Ang dedikasyon mo at ng buong Pandi-Nutrition Team, ang nagdala sa atin sa tagumpay na ito,” ani Roque.
Dagdag ni Mayor Roque, “Patuloy tayong magsama-sama, magtulungan, at magbigay ng malasakit para sa kalusugan ng bawat Pandieño. Mabuhay ang Pandi!” (UnliNews Online)