BINIGYAN-pansin ni Senador Joel Villanueva ang mahalagang papel ng kinabukasan ng mga guro sa pagbuo ng masaganang bansa, kasabay ng pagbigay-diin sa pangangailangan ng mga natatanging guro sa panahon ngayon.
Ginawa ni Villanueva ang pahayag sa 116th Commencement Exercises ng Philippine National Normal University noong Biyernes (Aug. 23), kung saan 800 estudyante ang tumanggap ng undergraduate at graduate degree sa edukasyon.
“If we want this country to become truly great, we must focus on nurturing outstanding teachers, not just good ones,” sabi ni Villanueva.
Nagpahayag din ng pag-aalala si Villanueva sa kalagayan ng edukasyon sa Pilipinas na sa tingin niya’y napakahalaga para sa pangmatagalang tagumpay ng bansa.
Sa Year 1 Report ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM2) at 2022 PISA Report, nabunyag ang malaking pagkukulang sa edukasyon, kabilang ang poor performance sa reading, math, at science, kasama ng highest rates ng kalungkutan at pambu-bully sa mga estudyanteng Filipino.
Nakasaad din sa report ang nakakabagabag na kalakaran kung saan ang Pilipinas ang isa sa mga mahina sa “critical thinking skills” sa buong mundo.
Bilang isang commissioner ng EDCOM2, isinusulong ni Villanueva ang mahalagang reporma para mapabuti ang kalidad ng edukasyon at pagsasanay ng mga guro.
“Research shows that the number one school-based factor in improving student success is a great teacher,” diin ni Villanueva.
“We can nurture great teachers by raising the quality of programs that train teachers to teach,” dagdag pa niya.
Si Villanueva, kasama ang kapwa EDCOM2 commissioner Senator Sherwin Gatchalian ay isinusulong ang Senate Bill No. 2733 na naglalayong payagan ang mga dual citizen na italaga bilang faculty, researchers, at administrators ng State Universities and Colleges (SUCs).
Layunin ng inisyatibong ito na makamit ang global expertise at mapadali ang knowledge at technology transfer para mapahusay ang pangkalahatang kalidad ng edukasyon sa bansa.
Naniniwala si Villanueva na ang pamumuhunan sa mahuhusay na guro ay magbibigay-daan para sa mas maliwanag na kinabukasan ng Pilipinas.
“There is greatness in every Filipino. There is greatness in teaching. There are 1.2 million Filipino teachers, and I would say, it is a force to reckon with. A force to make our country great again,” sabi pa ni Villanueva. (UnliNews Online)