LUNGSOD NG MALOLOS — Muli na namang umarangkada ang “Bayanihan sa Barangay — Programang Level Up Bayanihan” sa Barangay Confradia sa nabanggit na lungsod na pinangunahan ni Mayor Christian D. Natividad kamakailan.
Ang Bayanihan sa Barangay ay isang proyekto na inilunsad ni Mayor Natividad kung saan ibinababa sa lebel ng barangay ang mga serbisyong hatid ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos.

Inihahatid na naturang programa ang mga serbisyo sa medikal, tulong pinansiyal at iba’t ibang tulong o serbisyo na ibinibigay ng pamahalaang lungsod sa mga Malolenyong lubhang nangangailangan ng tulong.
Naging matagumpay ang proyekto sa Brgy. Cofradia kung saan personal na inihatid ng mga lider ng lungsod sa pangunguna ni Mayor Natividad at Vice Mayor Miguel Alberto T. Bautista sa tahanan ng 27 indigent Malolenyo ang iba’t ibang uri ng tulong na makatutugon sa kanilang mga pangangailangan.
Ilan sa mga pangunahing serbisyo na ibinaba sa barangay ng mga tanggapan sa lungsod ng Malolos ay libreng medical consultation, x-ray, at mga gamot handog ng City Health Office; libreng dental check up, bunot at pagkakaloob ng 5 pustiso ng Dental Division; Libreng legal consultation mula sa City Legal Office, seminar sa Meat Processing na siyang pwedeng gamitin sa paggawa ng siomai at dumplings.

Naghahatid din ang naturang programa ng chair massage at libreng gupit mula sa City Training, Employment and Cooperative Office; libreng vegetable seeds gaya ng Pechay, Saluyot, Ampalaya, Talong, at Sitaw ng City Agriculture Office; libreng anti-rabies vaccination at pamurga para sa mga alagang aso mula sa City Veterinary Office; libreng aplikasyon para sa mga nagnanais mag-aral sa ilalim ng Alternative Learning System ng Deped – ALS Malolos; basic training ukol sa Disaster Preparedness at pamamahagi ng Listo Maloleño Book at Emergency Hotlines hatid ng City Disaster and Risk Reduction Management Office.
Iginawad din ng Pamahalaang Lungsod ang mga wheelchair, office chairs at tables, flashlights, two-way intercom radio, computer set, blood pressure machine, blood sugar checker atbp sa pamunuan ng Brgy. Cofradia.
Kaalinsabay ng nasabing programa ay ang pagpapasinaya ng bagong tayong Barangay Hall, Multipurpose Building sa nabanggit na barangay.
Nakiisa at naging katuwang din sa pamamahagi sina Konsehal Abgdo. Niño Carlo Bautista, Konsehal John Vincent “JV” Vitug, Konsehal Victorino “Troi” Aldaba III, Konsehal Michael M. Aquino, ABC President Vicente “Jun” Cruz, City Administrator Joel S. Eugenio, Chief of Staff Fernando Durupa, Executive Assistant IV Omar S. Magno at mga pinuno ng mga tanggapan sa Lungsod ng Malolos. (UnliNews Online)
Source: CIO Malolos