LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Target simulan sa mga paaralan sa Bulacan na higit na mapalaganap ang pagpapataas ng kamalayan ng mga kabataan tungkol sa mga usapin sa West Philippine Sea.
Iyan ang tiniyak ni Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary for Bilateral Relations and ASEAN Affairs Ma. Theresa Lazaro sa kanyang pagtalakay tungkol sa implikasyon ng agawan ng mga teritoryo sa West Philippine Sea, sa ginanap na panayam ng Dangal ng Bulacan Foundation Inc. sa pakikipagtulungan ng ahensiya.
Ipinaliwanag niya na makatwiran na hindi lamang maipaalam kundi mas mapaunawa kung anu-ano ang epekto ng nasabing usapin sa buhay ng karaniwang Pilipino sa aspeto ng pagkain, enerhiya, langis at kalikasan.
Ang magiging sistema, magsasagawa ang DFA ng mga pagsasanay sa mga kasapi ng Dangal ng Bulacan Foundation Inc. at iba pang kwalipikado upang maturuan kung papaano matalakay ang mga usapin sa West Philippine Sea. Ang mga makukuhang tagapagsalita ang ipapadala sa mga paaralan upang makapagsagawa ng mga panayam o forums tungkol dito.
Naniniwala si Undersecretary Lazaro na kapag natutunan nang husto ng mga kabataan ang kahalagahan ng usapin, magkakaroon ito ng epekto sa paraan at kakayahan nilang magdesisyon mula sa pagboto, pagbili at maging sa pananaw na tumulong para magkaisa ang bansa na lubos na maipagtanggol ang West Philippine Sea.
Bukod dito, kapag dumami na aniya ang mga karaniwang tao na nagpapahayag ng pagnanais na maipagtanggol ang teritoryong nasa Pilipinas, mabibigyan naman ng inspirasyon ang mga Pilipinong nasa frontline sa West Philippine Sea tulad ng Philippine Coast Guard at ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Binigyang diin pa ni Undersecretary Lazaro na magiging pagkakataon din ang mga planong forums na ito upang maipaliwanag nang husto sa mga kabataan ang mga kongkretong hakbang ng pamahalaan hinggil dito.
Pangunahin dito ang sabayang pagpapatupad sa patuloy na pagpapalakas sa ating sariling AFP at Philippine Coast Guard habang pinapaigting ang pakikipag-alyansa ng Pilipinas sa iba’t ibang bansa.
Aniya, bagama’t mahalaga ang mga alyansa sa mga bansang umaayon at sumusuporta, importante pa ring tutukan ang Self-Reliant Defense Posture ng Pilipinas.
Base sa 2025 National Expenditure Program (NEP) na inaprubahan ng Department of Budget and Management (DBM), may halagang P50 bilyon ang inilaan para sa Revised AFP Modernization Program na mas mataas ng P10 bilyon sa inilaan sa kasalukuyang Pambansang Badyet ng 2024. Iba pa rito ang P31.3 bilyon para sa Philippine Coast Guard.
Kaugnay nito, sinabi pa ni Undersecretary Lazaro na makakatulong ang mga alyansa sa layuning lubos na mamodernisa ang AFP at Philippine Coast Guard. Halimbawa na rito ang Reciprocal Access Agreement (RAA) na nilagdaan kamakailan ng Pilipinas at Japan.
Magiging mekanismo ito upang mapataas ang kasanayan ng mga Pilipinong tropa sa tulong ng mga sundalong Hapon tungo sa interoperability ng mga kagamitan ng dalawang sandatahan.
Ito rin ang magbubunsod sa pagbili ng Pilipinas ng mga makabagong kagamitan para sa AFP at Philippine Coast Guard mula sa Japan. Nirerepaso na rin ang mga posibleng defense pacts ng Pilipinas sa mga bansang New Zealand, Canada at France. Sa kasalukuyan ay umiiral ang Mutual Defense Treaty ng Pilipinas sa United States at ang Status of Visiting Forces Agreement sa Australia.
Samantala, sinabi naman ni Atty. Antonio Ligon, propesor ng batas sa De La Salle University- Manila at Dangal ng Lipi 2019 Awardee, na mahaba at malalim ang usapin sa West Philippine Sea mula nang unang magpahayag ng pang-aangkin ang China simula taong 1947. Kaya’t makatwiran na detalyado itong maipaliwanag sa mga kabataan na dapat magmamana ng teritoryong ito.
Taong 2016 nang katigan ng Permanent Court of Arbitration sa The Hague, Netherlands ang Pilipinas sa paghahabla nito laban sa China. Pinapawalang bisa nito ang nine at ten dash lines na sinasabing sakop o pag-aari ng nasabing bansa. Isinasaad din sa nasabing desisyon na kapwa may sovereign rights ang Pilipinas, Vietnam at China partikular sa Scarborough Shoals.
Positibo ang Department of Education (DepEd) sa inisyatibong ito ng DFA at ng Dangal ng Bulacan Foundation. Para kay DepEd-Malolos School Division Superintendent Dr. Leilani Cunanan, napapanahon ang ganitong mga usapin na makatwiran lamang mailahok ang mga kabataan upang lubos na mapalitaw sa kanila ang diwa ng pagiging ‘Bansang makabata at Batang makabansa’. (UnliNews Online)
Source: PIA Bulacan