GUIGUINTO, Bulacan — Target ng Toll Regulatory Board o TRB na mas maraming motorista ang makagamit ng kahit anong modelo ng Radio-Frequency Identification o RFID, sa kahit saan mang expressways sa bansa.
Kaya naman hinikayat ng TRB ang mga motorista na mai-enroll ang kani-kanilang mga RFIDs, lalo ngayong tag-araw na marami ang bumibiyahe upang magbakasyon.
Ayon kay TRB Director Alvin Carullo, layunin ng RFID Interoperability Project na hindi na bumili ng higit pa sa isang RFID ang mga motorista para makadaan sa mga expressways na iba’t iba ang mga konsesyonaryo.
Ipinaliwanag niya na noong wala pa ang interoperability project, ang Easytrip na RFID ng NLEX Corporation ay uubra lang gamitin ng mga motorista sa pagdaan sa North Luzon Expressway o NLEX, Subic-Clark-Tarlac Expressway o SCTEX at sa Subic Freeport Expressway o SFEX.
Habang ang RFID na Autosweep ng San Miguel Corporation ay para lamang sa pagdaan sa Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway o TPLEX sa hilaga at sa Skyway Stage 3 at South Luzon Expressway o SLEX sa timog.
Dahil sa RFID Interoperability Project, anumang modelo ng RFID ang nakakabit sa isang partikular na sasakyan ay uubrang makaraan ngayon sa kahit saan mang mga expressways basta’t mai-enroll ang naturang mga RFIDs.
Kaya’t para sa mga motorista na Autosweep ang modelo ng RFID, uubrang mag-enroll sa mga registration sites sa NLEX gaya ng Tabang Toll Plaza sa bayan ng Guiguinto.
Sa northbound lane ng NLEX o ang direksiyon na patungo sa Pampanga, makakapag-enroll ng RFID sa Shell-Balagtas, Petron-Marilao, mga exits ng San Fernando at Angeles at sa Petron-Lakeshore sa Mexico sa Pampanga.
Mayroon din sa southbound lane ng NLEX o sa direksiyon na paluwas sa Metro Manila na nasa Petron Balagtas at NLEX Drive & Dine sa Valenzuela. Sa SCTEX, mayroon sa Seaoil Station na nasa eastbound o direksiyon patungo sa Tarlac at SFEX na bago dumating ng SCTEX kung galing sa Subic Bay Freeport Zone.
Ang mga motorista naman na biyaheng hilagang Luzon na may RFID na Easytrip ay uubrang mag-enroll sa mga itinalagang registration sites sa TPLEX. Matatagpuan ito sa TPLEX Office sa La Paz, Tarlac at sa Petron Station na nasa magkabilang panig ng TPLEX sa bahagi ng Pura, Tarlac.
Para naman sa mga motoristang bumibiyahe paluwas sa Metro Manila at patungo sa timog Luzon na Easytrip ang RFID, maaaring mag-enroll sa mga registration sites sa Skyway system, mga entry at exits ng South Luzon Expressway o SLEX at ng Southern Tagalog Arterial Road o STAR Tollway.
Samantala, hindi na kailangang mag-enroll kung parehong Easytrip at Autosweep ang RFID na nakakabit sa iisang sasakyan. Libre ang pagpapa-enroll ng mga RFIDs at ang load na lamang ang babayaran. (UnliNews Online)
Source: PIA Bulacan