Friday, November 8, 2024
Amana Water Park
HomeBulacan UnliNews‘Isulong ang isang malaya, makatarungan at mapagkalingang lipunan’ -- Gov. Fernando

‘Isulong ang isang malaya, makatarungan at mapagkalingang lipunan’ — Gov. Fernando

BULAKAN, Bulacan — “Sayang naman ang pinagbuwisan ng buhay ng ating Dakilang Bulakenyo kung hindi natin magkaisang isusulong ang isang malaya, makatarungan at mapagkalingang lipunan. Gaano man kalaki ang hinihinging sakripisyo at gaano man kabigat ang ating mga pagsubok, piliin po nawa nating laging tumindig sa tama. Piliin natin ang atas ng Diyos. Piliin natin ang tapat na paglilingkod sa ating kapwa.”

Ito ang mensahe ni Gob. Daniel R. Fernando sa mga Bulakenyo sa ginanap na paggunita ng ika-174 na Anibersaryo ng Kapanganakan ni Gat Marcelo H. Del Pilar sa Dambana ng dakilang propagandista sa Brgy. San Nicolas, Bulakan, Bulacan kaninang umaga.

“Hanggang sa kasalukuyan ay pinagbibigkis pa rin tayo ng kaniyang mga likha at aral. Naririto tayong lahat hindi lamang upang gunitain ang kaniyang kabayanihan at kagitingan. Narito tayo hindi lamang upang gunitain ang aral ng ating kasaysayan. Tayo ay umiiral sa makabagong mundo kung saan marapat lamang na wala nang puwang ang pagmamalabis, karahasan, pandaraya,” dagdag pa niya.

SINABI ni Gob Daniel R. Fernando “Nakakahiya na ang buhay ng ating Dakilang Bulakenyo ay isinakripisyo kung hindi tayo magtutulungan para isulong ang isang malaya, makatarungan at mapagmalasakit na lipunan. Ito ang sentro ng mensahe ni Fernando sa mga Bulakenyo. sa paggunita sa 174th Birth Anniversary ni Gat Marcelo H. Del Pilar na ginanap sa dambana ng dakilang propagandista sa Brgy San Nicolas, Bulakan, Bulacan noong Biyernes (Agosto 30, 2024). (Kuha ni Allan Casipit)

Binigyang diin ni Gobernador Fernando na nararanasan ngayon ng mga Pilipino na muling may ibang lahi na nananakop partikular sa West Philippine Sea. Kaya’t sinabi niyang mapapanatiling malaya ang Pilipinas na ipinaglaban ni Del Pilar kung maipagtatanggol ito ng nagkakaisang mga mamamayan.

Kabilang si Del Pilar sa mga nagkaroon ng pangunahing papel sa paglaban upang matapos ang mahigit 300 taon ng pananakop ng mga Kastila sa Pilipinas.

Kaugnay nito, ayon sa historyador na si Propesor Crisanto Cortez, akmang-akma ang ilan sa mga naisulat na artikulo ni Del Pilar sa Dyaryong Tagalog sa kasalukuyang ipinaglalaban ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

Sa isyu ng Dyaryong Tagalog noong Nobyembre 1882, isinulat ni Plaridel na matitiyak ang pangangalaga sa mga isla ng Pilipinas kung magtatalaga ang Pamahalaang Kolonyal ng Espanya ng hukbong dagat para sa Pilipinas. Bagama’t itinuturing ng mga Kastila na isang mortal na kaaway nila si Del Pilar, kinatigan siya sa pagkakataong ito.

Isang patotoo rito ang inilabas na Royal Decree ng Espanya kung saan idinedeklara ang sa Subic Bay sa Zambales bilang isang base ng hukbong dagat o naval base noong 1884. Kalaunan ay ipinatayo pa ang Arsenal en Olongapo noong Marso 8, 1885 na naging panimula upang maging pantalan ang Subic Bay.

Sa isyu naman ng La Solidaridad noong Nobyembre 15, 1895, binigyang diin ni Del Pilar ang kahalagahan na dadating ang panahon na dapat magkaroon ng ganap na Hukbong Dagat ang isang nagsasariling Pilipinas.

Samantala, inihayag ng panauhing pandangal at dating Tagapangulo ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Greco Belgica, kinatawan ni Senador Christopher Lawrence T. Go, ang mensahe ng huli na nagsasabing ang pagmamahal sa bayan ay dapat higit pa sa salita at mas marami ang gawa.

“Ang buhay ni Gat Marcelo H. del Pilar ay isang malinaw na paalala na ang pagmamahal sa bayan ay dapat na lagpas sa salita; ito ay nasusukat sa ating mga gawa at handang isakripisyo para sa ikabubuti ng nakararami,” ani Belgica.

Sinabi rin ng panauhing tagapagsalita na hindi naging madali ang magtaguyod ng pagbabago at kalayaan noong panahon ni Gat Marcelo H. del Pilar, ngunit dahil sa kanyang malasakit at tapang, marami ang nahikayat at nagkaisa upang labanan ang pang-aapi.

“Sa kasalukuyan, patuloy nating ipinaglalaban ang mga karapatan ng Pilipino, lalo na ang mga mahihirap, at bahagi niyan ang pagsusulong ni Senator Bong Go ng mga batas at programa na layong magbigay ng mas maayos na serbisyong pampubliko para sa lahat ng Pilipino”, pagpapatuloy ni Belgica.

Gayundin, pinangunahan ni Belgica ang mga Bulakenyo kasama sina Fernando, Bise Gob. Alexis C. Castro, Punong Bayan Vergel C. Meneses ng Bulakan, pamilya at mga kamag-anak ni Marcelo at ilang opisyal at miyembro ng mga organisasyon ng media, sa pagpaparangal kay Marcelo H. del Pilar sa isinagawang pag-aalay ng bulaklak sa harap ng dambana ng bayani.

Naging posible ang komemorasyon sa pamamagitan ng magkatuwang na pagsisikap ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan, Pamahalaang Bayan ng Bulakan at ng National Historical Commission of the Philippines.

Tuwing Agosto 30, 2024 ay holiday sa Bulacan kasabay ng pagdiriwang ng National Press Freedom Day. (UnliNews Online) May dagdag si Verna Santos

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

Most Popular

Recent Comments