TULUYAN nang tinibag ang Arko sa pagitan ng lungsod ng Malolos at bayan ng Guiguinto na nagsisilbing palatandaan na papasok ka na sa mga nabanggit na lugar sa lalawigan ng Bulacan.
Ang pagtibag ng makasaysayang arko ay sinimulan nitong Agosto 31 sa ganap na alas-10 ng gabi at tumagal hanggang alas-4 ng madaling araw ng Setyembre 1, 2024. Ang paggiba ay sinang-ayunan at pinag-isipan ng lokal pamahalaan at nasyunal.
Sa pakikipagpanayam ng Bulacan UnliNews sa mga trabahante na siyang tumitibag sa arko, sisimulan agad diumano na gawin ang ipapalit na arko subalit hindi pa nila alam ang eksaktong buwan at petsa kung kailan ito matatapos depende pa kung wala silang makikitang sagabal sa ilalim ng paglalagyan mismo ng pundasyon ng bagong itatayong arko.
Ang paggiba sa arko ay unti-unti at marahan nilang binunot ang buong itaas na bahagi nito kung saan makikitang nakakabit ang mga letra ng Malolos at Guiguinto gamit ang mga crane truck at ibang mga heavy equipment.
Matatandaan nitong taong 2024 buwan ng Pebrero isang cargo truck ang bumangga sa naturang arko habang bumabagtas sa south bound lane ng Mc Arthur Highway makaraang makatulog ang driver at nawalan ng kontrol sa minamanehong truck.
Dahil dito na wasak ang nabanggang bahagi ng arko kung kaya’t napag desisyunan na ito ay gibain na at magtayo ng bago na naaayon sa makabagong sukat ng kalsada at ng sagayon ay maiwasan na ang aksidente.
Ang nasabing arko ay kilala rin sa tawag na ‘Arkong Bato’ itinayo noong 1910 sa panahon ng pananakop ng mga amerikano sa pagitan ng bayan ng Malabon (na dating bahagi ng Rizal) at Polo/Valenzuela (na dating bahagi ng Bulacan) bilang tandang hangganan ng lalawigan ng Bulacan at Rizal. (UnliNews Online)