LUNGSOD NG MALOLOS – Sa pakikipagtulungan sa Pinoy Wolves Football Club-Bulacan, inaanyayahan ang mga Bulakenyo na may edad 7 hanggang 40 taong gulang na sumali at ipakita ang kanilang husay sa larangan ng isports sa darating na Copa Singkaban 7-A-Side Football Festival 2024 na gaganapin sa Linggo (Sept. 8) sa Bulacan Sports Complex, Brgy. Bagong Bayan dito.
Kasabay ng pagdiriwang ng Singkaban Festival 2024 na umaakma sa layunin ng pagdiriwang na itaguyod at itanghal ang sining, kultura, at talento ng mga Bulakenyo, nilalayon ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamamagitan ng Provincial Youth, Sports, and Development Office na patuloy na magsagawa ng iba pang uri ng sports tournament sa lalawigan bukod sa mga nakasanayan ng larong pampalakasan.
Samantala, aktibong hinihimok ni Gob. Daniel R. Fernando ang mga mahilig sa isports sa Bulacan na makibahagi sa aktibidad habang binibigyang-diin ang kahalagahan ng sportsmanship at pakikibagay sa mga kalahok.
“Tanggapin natin ang diwa ng sportsmanship at pakikiisa habang tayo ay nagtutulungan hindi lamang para sa kumpetisyon kundi para rin sa pagbuo ng buhay na may matibay na pagkakaibigan at mas pinatatag na komunidad. Sama-sama po tayong magtagumpay at palakasin ang ating mga ugnayang nagpapalakas sa atin bilang isang natatanging komunidad,” ani Fernando. (UnliNews Online)