LUNGSOD NG MALOLOS- “Bakit uhaw sa ‘yong sayaw? Bakit ikaw? ‘Di bibitaw, sa ‘yong sa ‘yo laging ikaw.”
Tara at pakinggan ang lirikong ito nang live sa pagtatanghal ng Dilaw, ang rock band na nagpasikat ng kantang “Uhaw”, sa mga Bulakenyo sa Singkaban Concert na gaganapin sa Bulacan Sports Complex sa lungsod na ito sa Sabado (Sept. 14) sa ganap na alas-4 ng hapon.
Naniniwala si Gobernador Daniel R. Fernando na ang libreng konsiyerto ay papatok sa mga batang Bulakenyong manunuod at lilikha ng oportunidad para pahalagahan nila ang tradisyon ng Bulacan habang nag-e-enjoy sa musika na sumasalamin sa kanilang kasalukuyang panlasa.
“Ang atin pong ipinagdiriwang ay ang sining at kultura ng ating minamahal na lalawigan. Sa pagsasali natin ng modernong porma ng sining tulad ng musika sa ating pagdiriwang, hangad natin na ito ang maging tulay upang maabot natin ang mga kabataan at siyang pagpapasahan natin ng mga pamanang ito,” anang gobernador.
Inaanyayahan ng People’s Governor ang mga Bulakenyo, anuman ang edad, na magtungo at makiisa sa isang gabi na puno ng musika, saya, at pananabik, at ipagdiwang ang okasyon nang ligtas.
Ang Singkaban Concert ay isa sa mga tampok sa ika-19 na taon na ng Singkaban Festival na nakaangkla sa temang “Pagyakap sa Kasaysayan, Pagsulong sa Kinabukasan”. (UnliNews Online)