Wednesday, October 16, 2024
Amana Water Park
HomeBulacan UnliNews'Pagsusulong sa sustainable creative economies, isang hamon sa ating panahon' -- Fernando

‘Pagsusulong sa sustainable creative economies, isang hamon sa ating panahon’ — Fernando

UnliNews Reportorial Team

LUNGSOD NG MALOLOS — “Investing in local culture such as music, dance, theatre, literature, including traditional knowledge and skills, can develop creative economies, open up opportunities, and help strengthen identity and community. Ito po ay isang prayoridad sa hamon ng ating panahon.”

Ito ang mensahe ni Gobernador Daniel R. Fernando sa ginanap na Grand Opening ng Singkaban Festival sa taong ito na may temang “Pagyakap sa Kasaysayan, Pagsulong sa Kinabukasan” sa harapan ng gusali ng Kapitolyo sa lungsod na ito kahapon.

Nangako ang gobernador na mas palalawigin pa ang pagtataguyod ng pamanang kultura at pagkakaisa ng mga kabataan.

1ST INVITATIONAL BAND COMPETITION. Sumali sa kasiyahan ng pagbubukas ng Singkaban Festival 2024 ang San Roque Band 96 mula sa Angat, Bulacan sa kanilang pakikiisa sa parada sa kalsada ng Bulacan’s 1st Invitational Band Competition bilang bahgi ng pagbubukas ng Singkaban 2024 nung Lunes (Sept. 9, 2024). (Kuha ni Allan Casipit)

“Patuloy tayong magsisikap na palawigin ang mas masigla, maningning, at makabuluhang Singkaban. Ipagbubunyi natin ngayon, at sa lahat ng panahon ang pamana ng isang Bulakenyo. Ang ating sining, kasaysayan, kalinangan, at turismo,” dagdag pa niya.

Ayon sa Philippine Statistic Authority, umabot ang Philippine Creative Economy sa P1.72 trilyon noong 2023, na nag-ambag ng 7.1 porsiyento sa Gross Domestic Product ng bansa.

PROUDLY PGB. Pumarada ang karosa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa mga kalsada ng Basilica Minore Malolos Cathedral Church, na nagtatampok sa replica ng Simbahan ng Barasoain na inadornohan ng mga singkaban at iba pang palamuti habang lulan ang 2023 Hari at Reyna ng Singkaban Paul Bernard C. Carreon at Ma. Althea F. Franco patungo sa Gusali ng Kapitolyo sa isinagawang Parada ng Karosa bago ang engrandeng pagbubukas ng Singkaban Festival 2024 na ginanap sa harap ng Gusali ng Pamahalaang Panlalawigan, Gusali ng Kapitolyo, Lungsod ng Malolos, Bulacan Monday afternoon (Sept. 9, 2024). (Kuha ni Allan Casipit)

Samantala, sinabi ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin C. Abalos, Jr., na kinatawan ng kanyang anak na si Konsehal ng Lungsod ng Mandaluyong Charisse Marie Abalos-Vargas, na kumpiyansa ang DILG sa pamumuno ni Fernando sa pagtataguyod ng lokal na sining at kultura ng lalawigan.

“Ang inyong pong selebrasyon ay sumasalamin sa tinatahak ninyong landas na tungo sa pag-unlad na hindi isinasantabi ang kasaysayan o tradisyon,” ani Abalos.

Gayundin, nagdagdag ng kulay at saya sa kapistahan ang mga kalahok sa Marching Band Competition at Parada ng Karosa sa pagpapakita nila ng kanilang pambihirang pagtatanghal at pagkamalikhain sa mga habang binabagtas ang mga kalsada ng bakuran ng Pamahalaang Panlalawigan. Iaanunsyo ang mga nagwagi sa mga kumpetisyon kasabay ng Indakan sa Kalye 2024 sa Setyembre 14.

Dagdag pa rito, nagpamangha sa mga Bulakenyo ang talentado at ipinagmamalaking Bulakenya, ang Asia’s Songbird Regine Velasquez-Alcasid, sa kanyang nakabibighaning rendisyon ng Bulacan Tourism Jingle, “Dangal ng Lahi.” Kagila-gilalas ang kanyang pagtatanghal na nagpapakita ng kanyang talento at pagmamahal sa kanyang bayang pinagmulan.

Ang pagbubukas ng Singkaban Festival ang hudyat ng simula ng isang linggong pagdiriwang ng mayamang kasaysayan, sining, kultura, at turismo ng lalawigan hanggang Setyembre 15. (UnliNews Online)

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

Most Popular

Recent Comments