LUNGSOD NG MALOLOS — Hinamon ang estado ng awiting ‘Jocelynang Baliwag’ bilang Kundiman ng Himagsikan at ang paghahambing nito sa imahe ng Inang Bayan sa pagtatanghal ng Dulaang Filipino Sining Bulakenyo ng ‘Ang Awit ng Dalagang Marmol’ sa Nicanor Abelardo Auditorium, Hiyas ng Bulacan Cultural Center sa apat na magkakasunod na araw.
Umikot ang istorya sa isang bagong dula na binubuo bilang pagpupugay sa bagong gawang teatro sa isang lalawigan, ngunit sa malalim na eksplorasyon ay naglitaw ng mga ‘di pa nasasabing katotohanan tungkol sa Jocelynang Baliwag na hahamon sa idinadambanang awit ng rebolusyon.
Sinabi ni Andrew Estacio, ang Bulakenyong sumulat ng dula, na ipinagmamalaki niyang ang teatro, sining, kasaysayan, at musika ay buhay na buhay sa Lalawigan ng Bulacan.
“Paano ba natin tinitingnan ang kasaysayan sa punto de vista ngayon, paano ba natin ito iwinawasto? Yung sining nand’yan para baguhin pa rin ‘yung isip natin hinggil sa kasaysayan. Binubuhay ng sining ang kasaysayan. Forever relevant, forever entertaining and enjoyable ‘yung paghalungkat natin ng kasaysayan, lalo na ang kasaysayan ng Bulacan,” ani Estacio.
Tinalakay rin sa dula ang hirap nang pagtatanghal ng dula na nahahati sa pagitan ng pagpapakita ng mga datos ng kasaysayan at paggalang sa masining na interpretasyon.
“Ito ang adbokasiya namin bilang theatre practitioners, bilang cultural workers, na madala at maikalat ang impormasyon, maikwento ang mga dapat i-kwento gamit ang teatro,” anang direktor na si Nazer Degayo Salcedo.
Samantala, hinikayat ni Allyson McBride, isang estudyante mula sa Mary the Queen School of Malolos at isa sa mga nakapanood ng palabas, ang kanyang mga kapwa kabataan na aralin ang kultura ng lalawigan at ng bansa.
“Sa panahon natin ngayon na madaming nangyayari at madami na tayong nalalaman, sana huwag nating i-take advantage at mahalin pa natin ang ating kultura kasi ang ating kultura ay doon tayo nanggaling. Huwag natin itong ibalewala at ito ay aralin natin,” ani McBride. (UnliNews Online)