LUNGSOD NG MALOLOS — Daan-daang Bulakenyo ang natuwa nang makuhanan sila ng larawan sa pamamagitan ng InfoBooth with Roving Radio Station na aktibidad ng Information Officers of Bulacan (InfoBul) at Provincial Public Affairs Office (PPAO) sa PGB Commercial Building 2, Capitol Compound, Brgy. Guinhawa sa lungsod na ito bilang bahagi ng isang linggong pagdiriwang ng 19th Singkaban Festival 2024 na opisyal na nagsimula noong Lunes (Sept. 9).
Lumahok din ang ilan sa Open Mic Jam sa pamamagitan ng Roving Radio Station at ipinaalam ang iba’t ibang programa ng mga lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng InfoKiosk.
“Talagang pinaghandaan namin ito dahil lagi namang inaabangan ng mga Bulakenyo hindi lamang ng Lalawigan ng Bulacan kundi ‘yung mga kalapit pa nating probinsiya. This has been known as the “Mother of all Fiestas”, dahil ang lahat ng mga bayan at mga lungsod ay may iba’t ibang mga selebrasyon ng kanilang kapistahan, but a weeklong celebration like Singkaban, ito ‘yung lahat lagom kung saan maha-highlight lahat ang history, arts, culture and of course still binibigyan din naming ng highlight ang good governance in managing all of these activities,” ani Provincial Information Officer Katrina Anne B. Balingit.
Pinasalamatan naman ni Pangulong Regemrei Bernardo ng InfoBul ang lahat ng lumahok upang maging matagumpay ang nasabing proyekto at binigyang diin ang kahalagahan ng koordinasyon at pagtutulungan.
“Bukod sa paghahatid ng kasiyahan, at pagsasagawa ng gawain bilang pakikiisa sa Singkaban Festival 2024, napatunayan natin ang kahalagahan ng kolaborasyon sa isang organisyon, partikular na sa InfoBul. Kapag ang mga indibidwal ay nagsama-sama at nagbahagian ng kanilang ideya, kakayanan at kahusayan, mas nagiging madali ang pagbuo at pagpapatupad ng mga makabuluhang proyekto katulad ng InfoBooth,” aniya.
Samantala, binati naman ng isa sa mga nakipista na nagngangalang Felicity Faith DL Sarboda, isang estudyante mula sa BulSU Main Campus, ang organizers sa matagumpay na aktibidad.
“Ang galing ng InfoBooth, nagpapicture kami,” ani Sarboda.
Naka-post na ang lahat ng kinuhanan na larawan sa FB page ng Perfect Frame Photobooth. (UnliNews Online)