FEATURE ARTICLE Ni Manny C. Dela Cruz
OBANDO, Bulacan — Minsan pang ipinamalas ni Konsehal Lawrence “Buboy” Banag, ang kanyang pagmamalasakit, kalinga at pagmamahal sa mga senior citizen sa nasabing bayan na pawang bedridden na ang kanilang kalagayan
Dahil ang unang linggo ng buwan ng Oktubre ay inilaan para sa mga matatanda, nagsagawa ng pagdalaw si Konsehal Lawrence Banag sa mga bed ridden seniors ng Obando bilang bahagi ng pagdiriwang ng Elderly Week o Linggo ng mga Nakatatanda.
Sa ilalim ng Proklamasyon Bilang 470 Serye 1975 ay itinakda ang unang linggo ng Oktube ng bawat taon bilang Linggo ng Katandaang Pilipino (Elderly Week). Sa pamamagitan ng pagdiriwang na ito, natutugunan ng gobyerno ang ilang mga pangangailangan ng mga matatandang Pinoy tulad ng social pension alinsunod sa itinadhana ng batas.
May mga lingkod bayan din naman na may mga puso na marunong lumingap sa mga kababayan nilang senior citizen lalo na ang mga matatanda na nasa banig ng karamdaman tulad ni town councilor Lawrence “Buboy” Banag, na tumutulong ayon sa atas ng kanyang pusong matulungin sa kapwa, lalo na sa mga matatandang may karamdaman.
“Marapat lamang na bigyan ng pagkilala ang mga matatanda lalo na ang mga senior citizen na kasama sa bahay. Dapat silang arugain at pagsilbihan nang isinasaalang-alang ang maayos na pakikipag-usap dahil maninipis ang damdamin ng mga matatanda. Kung malinaw pa ang kanilang mga isip ay hingin din naman ang kanilang payo at pananaw bilang pagkilala sa karunungang dulot ng kanilang mayamang karanasan sa buhay,” ayon kay Konsehal Banag.
Ayon pa sa kay Konsi Buboy, “marapat na iparamdam sa kanila na sila ay naging mabuting halimbawa lalo na sa pagiging matiisin at matiyaga sa maraming bagay. Kilalanin sila bilang mahalagang kasapi ng pamilya sa pamamagitan ng pagsasama sa kanila sa mga karaniwang gawain ng pamilya at mga espesyal na pagdiriwang. Bukod pa riyan, tugunan ang kanilang mga pangangailangan at kahilingan na makabubuti sa kanila.”
Sinimulan na kamakailan ni Konsi Buboy ang pagdalaw sa ilang bed ridden seniors sa kanilang mga tahanan sa brgy. Catanghalan, San Pascual at Paliwas para maghatid ng konting tulong sa mga seniors na nakaratay sa banig ng karamdaman.
Sa kanyang pagdalaw sa mga ito ay nagdala si konsi Buboy ng gamot at munting financial assistance at ibang pangangailangan ng mga may karamdamang senior citizens. Pinasalamatan naman ng mga kaanak ng mga matatandang may karamdaman ang kagandahang-loob na ipinamalas ni Konsehal Buboy Banag. (UnliNews Online)