Feature Article
Ni Manny C. Dela Cruz
TAUN-TAON ay ipinagdiriwang hindi lamang dito sa Pilipinas ang Araw ng mga Guro, kungdi sa buong mundo bilang pag-alala sa hindi matatawarang kagitingan at kasipagan ng ating mga guro. Tunay nga na hindi biro ang kanilang mga sakripisyo para sa ikakabuti ng kanilang mga estudyante kaya naman marapat lamang na bigyan ng pagkilala at pagpapahalaga ang Araw ng mga Guro.
Tuwing sumasapit ang ika-5 ng Oktubre ay isineselebra ng buong mundo ang ng Araw ng mga Guro. Ito ay sinimulan mula noong 1994, hanggang sa kasalukuyan at ang tema ng World Teachers’ Day ngayong 2024 ay ang “The Teachers We Need for the Education We Want: The global imperative to reverse the teacher shortage.” Pinangunahan ng United Nations International Children’s Emergency Fund (UNICEF) at Education International ang pagdiriwang ng araw ng mga guro sa buong mundo.
Sa pamamagitan ng okasyong ito ay naipapamalas sa mga guro ang pagpapahalaga sa kanila ng sangkatauhan. Ito rin ang nagsisilbing daan ng pagpapakita ng pagpapasalamat sa lahat ng suporta at aral na ginagampanan ng kanilang hanay at sa puntong ito marahil ang pagkakataon upang maibahagi ng mga guro ang kanilang mga mungkahi para sa mas progresibo at maunlad na edukasyon.
Tunay nga na ang araw na ito ay espesyal sa mga guro sapagkat nabibigyang halaga ang kanilang mga pagsisikap sa ngalan ng edukasyon lalo na na ngayong digital era. Kaya dapat na ang mga estudyante at mga guro ay may internet connection at mga kagamitan tulad na ng laptop at cellphone. Upang matiyak na lahat ay makakatanggap pa rin ng edukasyon tulad na lamang ng hirap at sakit na kanilang inabot noong panahon ng pandemya.
Sa kabila ng pagsubok na dulot ng pandemic, modular learning ang naging paraan ng iba kung saan ang mga mag-aaral ay makakatanggap ng modyul o CapsLET mula sa kanilang paaralan na kanilang pag-aaralan at sasagutan. Samantala, may ibang mga paaralan naman na pinili ay magkahalong online class at modular learning ng panahong iyon.
Kung tutuusin, ang araw ng mga guro ay hindi lamang dapat inaalala isang beses sa isang taon, Dapat ay araw-araw ang pagdiriwang dahil araw-araw ang pagsasakripisyo, pagtitiyaga, at pagtuturo nila sa mga estudyante. Tama lang na sabihin na ang guro ay ang ating pangalawang mga magulang na patuloy tayong bibigyang gabay patungo sa mabuting daan. Hindi sukatan sa isang guro ang kanyang natapos o bilang ng kanyang mga sertipiko at medalya, kundi ang bilang ng mga taong kanilang nabigyan inspirasyon at determinasyon, at nabahaginan ng mga aral sa buhay.
Kaya naman ang Ulirang Guro sa Filipino ang taunang gawad na ibinibigay ng Komisyon sa Wikang Filipino sa mga pilî at karapat-dapat na guro na gumagamit ng Filipino bilang midyum ng pagtuturo. Alinsunod sa layunin ng KWF na manghikayat at magpalaganap ng wikang Filipino sa pamamagitan ng mga insentibo, mga grant, at mga gawad, hinahangad ng tanggapan na makilala at maipagparangalan ang mga natatanging guro sa Filipino na nagpamalas ng angking husay, talino, at dedikasyon sa pagpapalaganap at promosyon ng Wikang Filipino at/o mga wika at kultura sa kanilang komunidad.
Guro ang pundasyon ng sibilisasyon, at sa ganitong pananaw isinilang ang Gawad Ulirang Guro sa Filipino na kumikilala sa mga natatanging guro na pawang nakapag-ambag sa pagpapalaganap ng matalino at malikhaing gamit ng wikang Filipino sa iba’t ibang disiplina, saanmang rehiyon sila nagmula, at nakapagpamalas ng pagpapahalaga sa kultura, kaakuhan, at kayamanang pamana ng bansa. (UnliNews Online)