LUNGSOD NG MALOLOS – Muling binigyan ng pagkilala ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ang mga natatanging Bulakenyo sa taunang Gawad Dangal ng Lipi 2024 na ginanap sa The Pavilion, Hiyas ng Bulacan Convention Center kamakailan.
Si Alejandro H. Tengco, Chairman at Chief Executive Officer ng Philippine Amusement and Gaming Corporation at mula sa Lungsod ng Malolos, ay binigyang pagkilala bilang isa sa 12 Natatanging Bulakenyo awardees kung saan siya ay kinilala sa kaniyang kahusayan sa Paglilingkod Pampamayanan.
Kabilang rin sa iba pang ginawaran ng parangal ay sina Dr. Herman Roy C. Cruz, Jr. mula sa Lungsod ng Malolos (Agrikultura); Dr. Nathaniel T. Servando mula sa Lungsod ng San Jose Del Monte (Agham at Teknolohiya); Felicidad P. Galang-Perena mula sa Calumpit (Edukasyon); Edgardo B. Santiago mula sa Bulakan (Sining at Kultura); Ernesto O. Cordero mula sa Obando (Bulakenyo Expatriate); Dr. Juanito S. Javier mula sa Lungsod ng Malolos (Pangkalusugan); Conrado T. Onglao mula sa Lungsod ng Malolos at Bulakan(Pangangalakal at Industriya); Claro S. Cristobal mula sa Bulakan (Propesyunal); Abgd. Florentino P. Manalastas, Jr. mula sa San Miguel (Paglilingkod Bayan); Jocelyn D. Reyes mula sa San Ildefonso (Entreprenor); at Mario G. Lipana mula sa San Ildefonso (Propesyunal).
Samantala, kinilala naman ni Gobernador Daniel R. Fernando ang sama-samang pagsisikap ng mga Bulakenyo na nanatiling tapat sa kaugalian, prinsipyo, at pamana na ipinamana ng kanilang mga ninuno.
“Sa makasaysayang araw na ito, ay bibigyang pagkilala ng ating lalawigan ang mga natatanging ginoo at ginang na naghayag ng pasasalamat sa ating lalawigan, hindi sa pamamagitan ng salita, bagkus ay sa pamamagitan ng makabuluhang gawa at lumikhang pitak ng kadakilaan sa kani-kaniyang larangan. Bagaman, iilan lamang ang kanilang bilang, ang parangal na ito ay kumikilala rin sa pangkalahatan, sa pagsusumikap ng bawatkaraniwang Bulakenyong nanatiling totoo sa mga simulain, paniniwala at iniwang legasiya ng ating mga ninuno,” ani Fernando. May dagdag na ulat si Allan Casipit (UnliNews Online)