LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Isang matunog na tagumpay ang Tatak Bulakenyo Trade Fair at KADIWA ng Pangulo sa Singkaban Festival, na inorganisa ng Provincial Cooperative and Enterprise Development Office (PCEDO) sa pakikipagtulungan ng Provincial Agriculture Office, kung saan sa loob ng tatlong araw, mula Setyembre 9-11, ang aktibidad na ginanap sa PCEDO Parking, Provincial Capitol Compound sa lungsod na ito, ay nakalikha ng kahanga-hangang kabuuang benta na P440,556.00.
May kabuuang 61 exhibitors, kabilang ang Bulakenyo MSEs, Farmer and Fisherfolk Cooperatives and Associations, at KADIWA ng Pangulo sa pamamagitan ng National Irrigation Administration, ang lumahok sa okasyon kung saan itinampok nila ang iba’t ibang hanay ng mga produkto, na nagpapatingkad sa pinakamasarap na lokal na pagkain ng Bulacan tulad ng mga gulay, prutas, at ang KADIWA ng Pangulo Diskwento Caravan’s ?29 kada kilo ng bigas. Bilang karagdagan sa mga produktong pang-agrikultura, itinampok din sa fair ang crafts at produkto kabilang ang mga delicacy, handicraft, alahas, mga bagay na pangregalo, mga dekorasyong pang-Pasko, tsinelas, mga aksesorya, novelty poducts, at marami pang iba.
Ang Tatak Bulakenyo Trade Fair at KADIWA ng Pangulo sa Singkaban Festival ay hindi lamang nagbigay ng plataporma para sa mga lokal na negosyo na ipakita ang kanilang mga produkto kundi nag-alok din sa mga dumalo ng pagkakataon na suportahan at ipagdiwang ang mayamang pamana ng kultura at entrepreneurial spirit ng Bulacan. Itinampok ng programang ito ang kahalagahan ng pagtataguyod at pagsuporta sa mga lokal na negosyo sa pagpapalago ng ekonomiya at pagpapaunlad ng komunidad.
Nagsimula ang programa sa isang ribbon-cutting ceremony na pinangunahan nina Gob. Daniel R. Fernando, Bise Gob. Alexis Castro, Panlalawigang Tagapangasiwa Antonia V. Constantino at pinuno ng PCEDO Abgd. Jayric L. Amil, at dumalo din sa programa ang mga kinatawan mula sa mga ahensya ng gobyerno, tulad ng DTI, DOST, at PIA.
Sa ikatlong araw ng event, buong pagmamalaking inanunsyo ng PCEDO ang Top Sellers na kinabibilangan ng Florabeths Chicken Galantina para sa sektor ng pagkain, Jun at Milas Burdahan para sa non-food sector, Milca Mango Graham Shake para sa food stall category, at Balaong Vegetable Farmers MPC para sa kategoryang Kadiwa ng Pangulo.
Samantala, dinaluhan ng mga tinitingalang panauhin ang pagbubukas at ribbon-cutting ceremony sa ikalawang bahagi ng trade fair na ginanap sa Activity Area ng Robinsons Place Malolos mula Setyembre 12-15, 2024, kabilang sina OIC Provincial Director Maria Cristina Valenzuela ng Department of Trade and Industry (DTI) Bulacan Provincial Office, Regional Marketing Manager Ma. Theresa Gonzales, Senior Mall Manager Gay Gaddi ng Robinsons Malolos, Presidente Myta P. Garcia ng LBEAI, at may-ari ng Armyth’s International Fashion Design.
Ipinahayag ni Fernando ang kanyang pasasalamat sa paghahatid ng mga kapana-panabik at makabagong mga fair para sa mga Bulakenyo na nag-aalok sa mga negosyo ng visibility at availability sa pamamagitan ng paglalapit ng mga produktong Bulakenyo sa mga mamimili. Pinapabilis nila ang paglago ng negosyo, pinatataas ang kita, at lumilikha ng mga oportunidad upang palakasin ang presensya ng produkto sa Singkaban Festival. (UnliNews Online)