MARAMING mga kababayan natin dito sa Amerika ang nakita nating nagtagumpay sa kanilang mga adhikaing mapabuti ang kanilang kalagayan sa pinansyal na aspeto ng buhay. Mayroon ding nagsisikap na maiayos ang kanilang kalagayan para maitaguyod ang kanilang pamilya sa Pilipinas.
May mga legal at dokumentado ang naninirahan dito at naka-established bilang mamamayan ng USA. Mayroon namang tinatawag nating Tago Nang Tago (TNT) na nagpunta dito sa Amerika bilang turista at hindi na bumalik sa Pilipinas para hanapin ang kapalaran.
Ito ay malaking challenge at risk para maka-survive bilang isang TNT, kwentong mapag-sasamantalahan ka at maabuso sa trabaho at minsan ay may swerte at tiyempong mapaganda ang lagay dahil sa tulong ng kapwa kababayan.
Ang migration mula Pilipinas sa Amerika ay nagmula pa noong 1898 dahil sa pagkilala ng USA sa bansa bilang kaanib sa political, military at ugnayang ekonomiya. Nag-umpisa ito bilang agricultural workers hanggang sa family at economic migrants para punuin ang kakulangan ng Amerika sa edukasyon, health care, hospitality at pagmamanupaktura.
Sa kasalukuyan, tinatayang 4.2 milyong Filipino ang nasa talaan ng populasyon dito sa Amerika. 4 na porsyento dito ay U.S. Immigrants. Ang mga Pinoy ang ika-apat sa pinakamalaking grupo ng immigrant dito sa Amerika sinundan ang Mexicans, Indians at mga Tsino o isa sa pitong immigrants mula Asya ay Pinoy.
Karamihan sa mga bagong permanent residents ay green card holders mula sa family reunification channels o may kamag-anak na U.S. citizens na na-isponsoran at ang iba ay galing sa employment preferences.
Gusto ng mga Amerikano ang mga kababayan natin dito sa kanilang bansa dahil sa kakayanan nating magsalita ng Ingles, dedikasyon sa trabaho at pakikisama sa kapwa.
Malaki ang respeto ng mga puti dito sa ating mga kababayan dahil karamihan at may mataas na antas ng edukasyon at nako-kopo ang mataas na propesyon na nagbibigay ng malaking sahod.
Sa aking nakasalamuha ay dama ko ang kalungkutan ng iba dahil sabik na maka-balik sa ating bansa. Bagamat Maganda ang kalagayan nila dito dahil natutulungan ang kanilang mga pamilya ay naroroon ang kanilang pagnanasang, isang araw ay babalik din kami sa ating bansang sinilangan.
PASASALAMAT: Sa pag-aasikaso, aruga at pagmamamahal kay BFF-Arcel “Koala” Carbonell at sa kanilang pamilya, Ate Zeny, Ate Celi at Thelma ng Hayward California. Pagbati din kina Mr. and Mrs. Eduardo “Bot” and Winnie Gloria ng Union City, Mabuhay po Kayo! (UnliNews Online)