Monday, March 10, 2025
Amana Water Park
HomeOpinionHindi maayos na serbisyo ng PrimeWater, tinalakay sa SP

Hindi maayos na serbisyo ng PrimeWater, tinalakay sa SP

TINALAKAY sa Sangguniang Panlalawigan ng Bulacan ang tungkol sa hindi maayos na serbisyo ng PrimeWater na idinaos sa Bulwagang Senador Benigno Aquino Jr., Lungsod ng Malolos kamakailan.

Binigyang-diin ni Bise Gobernador Alexis A. Castro, Chairman ng Committee on Public Utilities at Presiding Officer sa kanyang privilege speech ang mga hinaing ng mamamayan ng Bulacan kaugnay sa hindi maayos na serbisyo ng PrimeWater. At nanawagan ito ng agarang aksyon upang tugunan ang mga suliranin sa suplay ng tubig.

Bise Gobernador Alexis A. Castro (File photo)

Isa-isang hinimay ng bise gobernador ang reklamo ng mga konsyumer sa PrimeWater na patuloy na nagpapahirap sa mga residente, gaya ng pagtaas ng mga bill dahil sa halos karaniwan ay may mga tagas ang mga tubo nila, kulay kalawang at di kanais-nais na amoy ng tubig.

Tahasan din binanggit ni Castro, na ang tawag ng mga mamamayan sa Prime Water ngayon ay hindi na PrimeWater, kundi ito ay Crime Water na! At sa puntong ito ay hindi niya pahihintulan na makompromisò ang kalusugan ng mga Bulakenyo dahil lamang sa palpak na serbisyo at maruming tubig ng naturang kompanya.

Bukod pa dito, imbes na makatulog na sa gabi sapagkat oras na ng pahinga ay kailangan pang magpuyat para maka-ipon ng tubig at ang ginagawa naman ng ibang kalalawigan ay sa gabi sila naglalaba dahil sa araw ay malakas pa sa ihi kumpara sa daloy ng tubig sa mga gripo sa kanilang mga tahanan.

Dahil dito, mahigpit na inaanyayahan ng Sangguniang Panlalawigan sa pangunguna ni Vice Gov. Castro ang pamunuan ng PrimeWater sa lalong madaling panahon upang mabigyan ng linaw at magkaroon ng solusyon sa dumadaloy na problemang dulot nito.

Ang mga nasa ilalim ng serbisyo ng PrimeWater ay ang Syudad ng Malolos, San Rafael, San Ildefonso, Marilao, Meycauayan at Syudad ng San Jose Del Monte.

Umaasa ang mamamayang Bulakenyo na sana’y matuldukan na ang krisis sa tubig, anila “tayo ay nasa Bulacan kung saan nagmumula ang likas na yamang tubig kung susuriin ay di- hamak na mas nakikinabang pa rito ay ang kamaynilaan,” malungkot na pahayag pa nila. (UnliNews Online)

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

Most Popular

Recent Comments